CEBU CITY – Ilang negosyo, kabilang na ang furniture sector, ang napaulat na nagpaplanong magsara o magbawas ng mga empleyado dahil na rin sa patuloy na pananamlay ng industriya, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 7.
Sinabi ni DoLE-7 Director Exequiel Zarcauga, na tumatayong chairman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWBP)-7, na ilang negosyo na ang nagpahayag ng interes na magsara, at mapupuwersang gawin ito sakaling ipatupad ang umento sa rehiyon.
Naghihimutok ang mga exporter tungkol sa pagkaunti ng mga order sa kanila mula sa ibang bansa, na magreresulta sa posibleng pagbabawas nila ng mga empleyado, ayon kay Zarcauga.
Ito ang sinabi ni Zarcauga sa public hearing kahapon kaugnay ng panukalang dagdagan ang minimum na suweldo sa Central Visayas.
Mariing kinontra ng mga kinatawan ng sektor ng negosyo ang petisyon para sa dagdag-sahod habang iginigit naman ng mga grupo ng manggagawa na kailangan nang magpatupad ng umento.
Ipinepetisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang P161 dagdag-sahod sa Region 7, habang P140 naman ang hiling ng Sentro o Alliance of Progressive Labor (APL). (Mars W. Mosqueda, Jr.)