Binawi ni Kerwin Espinosa, sinasabing drug lord ng Eastern Visayas, ang naging pahayag nito laban kay Albuera, Leyte Police chief, Chief Insp. Jovie Espenido na una niyang tinukoy na tumanggap ng pera mula sa kanya.
Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa ang nagkumpirma sa pagbawi ni Espinosa sa kanyang pahayag laban sa hepe ng Albuera Police.
“But in fairness to him, dahan-dahang binabawi ni Kerwin ‘yung sinasabi niya,” ani Dela Rosa. “Sabi ni Kerwin the other night, kinausap ko, sabi niya, ‘Sa totoo lang, sir, matino na pulis ‘yang si Espenido. Nasabi ko lang na one time o two times na tumanggap siya ng pera para daw doon sa panggastos sa simbahan nila’. So, kinonfirm ko sa kanya (Kerwin) hanggang sabi niya nadadawit lang ‘yun. Nadadawit ‘yung pangalan pero malinis daw si Espenido. ‘Pag tine-text daw niya, ang sagot sa kanya ay puro Biblical verses. Ayaw daw kumagat sa drug money.”
Sinabi pa niya na wala siyang magawang aksiyon laban kay Espenido dahil nag-iimbestiga pa ang pulisya. (Fer Taboy)