Patuloy na binabantayan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kalagayan ng dalawang Pinay nurse na nabiktima ng hit-and-run sa Abu Dhabi, UAE.

Si Estee Banaag ay brain dead, habang si Melissa Roble ay nagtamo ng spinal injury at sasailalim sa marami pang operasyon.

Iniulat na si Banaag ay nabubuhay na lamang dahil sa mechanical ventilator sa Al Ain Hospital, habang si Roble ay nakaratay sa Tawam Hospital.

Nagtamo si Roble ng mga pinsala sa tuhod, balakang, spinal, at mata dahil sa insidente. Si Banaag naman ay nagkaroon ng pinsala sa ulo, at ayon sa mga doktor ay naging kritikal nitong mga nakalipas na araw.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Sinabi ni OWWA regional director Ed Bellido na inaalam pa ng OWWA at ng Labor attache sa lugar ang buong detalye ng mga pangyayari.

Ayon kay Bellido, si Roble ay nagmula sa Cabantian sa Buhangin District, habang si Banaag ay taga-Matina, Davao City.

Sinabi ni Bellido na nakikipagtulungan ang mga employer ng dalawang Pinay sa mga kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas sa bansa.

Nangyari ang insidente noong Nobyembre 12, dakong 7:00 ng gabi sa Diwan, Abu Dhabi. Sinagasaan ng driver na si Sager Seed Ahmed, isang Emirati police na nakatalaga sa Al Ain, ng kanyang humahagibis na BMW ang dalawang biktima, ayon kay Bellido.

Iniulat na bumisita pa ang nakababatang kapatid na lalaki ni Ahmed, isa ring pulis, kay Roble matapos ang insidente ngunit hindi na bumalik simula noon. (Yas D. Ocampo)