Makakaasa ang Office of the Ombudsman ng maayos na kooperasyon mula sa kampo ni Senator Leila de Lima, kaugnay ng bubuuin nitong fact-finding committee.
Ayon kay De Lima, ang pag-imbestiga sa kanya ay inaasahan dahil ito naman ay mandato ng Ombudsman.
“Sa ngayon, ang Ombudsman ang pinakapinagkakatiwalaan at iginagalang na ahensya ng gobyerno na makapag-iimbestiga, matapos na ang DoJ at NBI ay naging kasangkapan na ng administrasyon laban sa mga kritiko ng Pangulo, gaya ko,” ayon kay De Lima.
Sinabi ni De Lima na mas may kredibilidad ang Ombudsman kaysa sa Department of Justice (DoJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na may nabuo nang desisyon laban sa kanya.
Gaya ng ibang opisyal, hindi umano siya exempted sa anumang imbestigasyon ng Ombudsman. Isa sa mga garantiya ng Saligang Batas ay tiyakin ang papanagutan ng mga opisyal ng pamahalaan, kung kaya’t tanggap niya ang imbestigasyon ng Ombudsman at tinitingnan umano niya ito bilang oportunidad na rin na linisin ang kanyang pangalan.
“Inasahan natin ang pasya ng Ombudsman na magsagawa ng fact-finding investigation sa samu’t saring alegasyon ukol sa kalakaran sa droga, kasama na ang mga pagdawit sa akin kahit sa mga pinaka- absurdong sitwasyon,” ani De Lima. - Leonel M. Abasola