Anim na magkakaibigan na umano’y magkaka-jamming din sa pagbatak ng shabu, ang minasaker ng limang hindi nakilalang suspek habang nagpa-pot session sa loob ng bahay ng isa sa mga biktima, na nagsisilbi umanong drug den, sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Ang mga pinaslang ay kinilalang sina Ranel Valenzuela, 51, ng 1st Narra Street; German Vidal, alyas “Jing”, 40, ng Esguerra Street; Anthony Quintana, alyas “Tone”, 30, ng Ferrer Compound; Christian Camungol, alyas “Pogpog”, 33, ng Mulawin Street; Johnson Miravales, alyas “Buyog”, 26, ng Narra Street, pawang sa Purok Acacia; at Alex Hongco, 31, ng Purok Gahit, Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Kaagad namang nakatakas ang mga hindi nakilalang suspek, sakay sa isang taxi.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Romeo Tanguilan, ng Pasig City Police, dakong 12:30 ng umaga nang mangyari ang massacre sa bahay ni Valenzuela sa 338 1st Narra Street.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kasalukuyan umanong nagpa-pot session ang mga biktima nang bigla na lang silang pasukin ng mga suspek, na pawang nakasuot ng bonnet at hard hat, sumigaw ng “Raid!” at pinaulanan ng bala ang anim.

Isang residente naman sa lugar ang mabilis na tumawag ng rescue team sa Bgy. Buting para isinugod sa pagamutan ang mga biktima, na natagpuang magkakapatong, ngunit hindi na naisalba pa ang mga ito.

Narekober naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa pinangyarihan ang apat na transparent plastic sachet na may shabu, 27 basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril, at apat na live bullets.

Batay sa imbestigasyon, nabatid na matagal na umanong ginagamit na drug den ang bahay ni Valenzuela at sina Vidal, Hongco at Camungol ay pawang nasa drug watchlist ng barangay. (MARY ANN SANTIAGO)