SINANG-AYUNAN ko ang panawagan ni dating Senador Rene Saguisag na agad-agad magbitiw ang lahat ng mga opisyal na hindi sumasang-ayon sa desisyon ni Presidente Duterte na payagan maihimlay si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Ito, ayon na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema na walang batas na nagbabawal sa pagpapalibing sa dati ring commander-in-chief, senate president, at sundalo.

Nababanggit ang ibang katungkulan, dahil kahit saang anggulo, may karapatan ihimlay ang labi ni Marcos sa LNMB. Sang-ayunan pa natin ang batikos na diktador, kesyo wala naman sa Besang Pass, peke ang mga medalya, atbp. Isa lang ang maiiwang katanungan: sundalo ba si Marcos? Oo. Sapat na itong suhay upang makamtan niya ang karapatan na makasama sa libingan ang kapwa niya mga sundalo ng Pilipinas. Maaari rin naman kasing baligtarin ang argumento – lahat ba ng nakalibing sa LNMB ay bayani? Hindi rin.

Tama lamang na hilingin ng sambayanan na magbitiw na ang mga nagbabalatkayo sa Gabinete at iba pang kagawaran ng pamahalaan! Mahirap kasi yang malapit sa kusina, namamantikaan ang bibig, lumolobo ang tiyan, dahil nga sa itinuro ni Digong, tapos ‘yun pala may kulo ang utak, may binabalak, at nagpapahinog lang pala, upang sa tamang hudyat, maisakatuparan ang patibong upang pabagsakin si Pangulong Duterte. Bad ‘yun! Nakakalusot na nga kayo dahil nasa loob kayo ng pamahalaan. Sabay sa lansangan, bistado na ang mas matingkad na kulay ng inyong alyansa, pulang-pula.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Salamat at nagladlad na rin kayo nitong huling martsa-protesta. Nagpakatotoo at naisigaw, pahalang na kalooban, ang “AFP, Duterte at Marcos” ay “Tuta”. O ayan, nagkaalaman na talaga. ‘Di ba nga prinsipyo kuno ipinaglalaban ninyo kontra kina Marcos at Digong? Dapat nga manindigan kayo. Ngayon na, bumaba sa puwesto, samahan ang hanay ng inyong mga kabaro.

Sundin ang linya ng “partido” mula Utrech, ang sigaw at koro sa nag-aaklas na lansangan! Hindi magawa? Dahil namimihasa pa kayo? O ‘yan talaga utos at taktika ng panggogoyo sa Netherlands. Diyan ang ilan sa Malacañang muna, at iba sa lansangan – gigisahin si Digong tulad ng bibingka, sa ilalim at ibabaw. Sa mga taga-suporta ni Digong, maghanda na tayo! (Erik Espina)