KLARO na sa amin ang maling inakala ng marami na hindi na friends sina Kris Aquino at Vice Ganda simula nang umalis ang una sa ABS-CBN.
Pagkatapos kasi ng Q & A sa presscon ng The Super Parental Guidance, tinanong si Vice kung may panahon pa ba silang mag-usap ng Queen of All Media.
“Alam mo, kanina habang (Q & A at) nag-iinterbyuhan tayo, kaya hawak ko ang telepono ko kasi tumatawag siya. Kasi nasa bahay siya at may nakasalubong siya sa elevator na ano (sabay tawa ni Vice), ‘Ay, nakasalubong ko sa elevator si ano, chu-chu-chu. Meron kasi siyang iniintriga sa akin,” tumatawang kuwento ng unkabogable star.
Kumusta na si Kris ngayon?
“Kris Aquino is a very strong woman, kung anuman ang pinagdadaanan niya ngayon, kayang-kaya niya ‘yan, mamaniin niya ‘yan. Sa rami ng pinagdaanan ng pamilya niya, ito pa bang mangyayari ngayon hindi niya kakayanin? Kering-keri ni Kris ‘yan. Tatawanan lang niya ‘yan,” sagot ni Vice.
Inamin ni Vice na nami-miss niya si Kris at gusto niyang magkasama silang muli sa iisang network, dahil hindi na nga sila nagkikita tulad nang dati na nadadaanan nila ang isa’t isa sa dressing room. Ngayon, totally hindi sila nagkikita, pero nagkakausap naman daw parati at walang nabago sa magandang samahan nila.
“Ayaw natin ng naghihiwalay, mas maganda kung iisang pamilya tayo para masaya,” saad ni Vice. “Si Bimby nagpe-facetime kami,” dagdag pa niya.
Diretsong tanong namin kay Vice, totoo ba ang tsika na siya ang namamagitan kay Kris para kausapin si ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes para ipaalam na gusto na nitong bumalik sa Kapamilya Network?
“Ay, hindi naman totoo ‘yan. Kris never asked me to do anything, to be like a bridge or middleman, wala. Actually, hindi nga namin pinag-uusapan ‘yun, eh. Tuwing mag-uusap kami, naghaharutan lang kaming dalawa, masaya kami.
“Ako kasi kapag alam kong malungkot ang kaibigan ko, ayaw ko siyang palungkutin, at hindi rin ako madawdaw o
pakialamera o tsismosa. Kung hindi siya magkukuwento, hindi rin ako nagtatanong. And since hindi rin naman niya ino-open lahat, feeling ko gusto niya masaya lang kami,” paglilinaw ni Vice.
Inalam ba ni Vice kung saang network mapapanood ang best friend niya?
“Ayokong magtanong at ayoko ring maramdaman niya na kapag tinawagan ko siya, nagpi-fish ako. Gusto ko kapag nag-uusap kami, kaming dalawa ‘yung pinag-uusapan. Ayokong maramdaman niyang kumukuha ako ng tsismis,” say ni Vice.
May love life ba si Kris ngayon?
“Naku, in love naman lagi ‘yun,” mabilis na sagot ng ‘asawa’ ng Queen of All Media. (REGGEE BONOAN)