MAINIT ang lahat ng thread sa social media sa walang tigil batuhan ng mga komento kung bakit hindi pumasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival ang mga pelikula nina Vice Ganda/Coco Martin ng Star Cinema, Richard Yap/Jean Garcia mula sa Regal Entertainment at Vic Sotto ng M-Zet Films at Vhong Navarro.

May non-showbiz friends din kaming nagsisipagtanong at nangangatwiran na nasanay na silang pawang pambata raw ang pelikula ng mga nabanggit na tuwing Pasko hanggang Bagong Taon ay inaabangan dahil sama-samang nanonood ang mga pamilya.

Kinaugalian na nga naman na ang mga panooprin tuwing Pasko ay para sa mga bata.

Ngayong 42nd MMFF kasi ay napakalaki ng ipinatupad na pagbabago. Inakala namin na sa pulitika lang ang sinasabing ‘change is coming,’pero pati pala sa pagpili ng mga kalahok na pelikula sa taunang pista ng pelikulang Pilipino.

Tsika at Intriga

Maris Racal umamin na bakit may twinning shoes sila ni Anthony Jennings

Sagot namin sa mga nagtatanong, ‘quality films’ ang gusto ng mga namili na sina Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, Allan Allanigue (broadcast journalist), Lawrence Fajardo (editor/director), Krip Yuson (author/novelist), Nicanor Tiongson (leading critic and creative writer, Ateneo de Manila University), Mae Paner (actress), Crispina Belen (writer at former entertainment editor of Manila Bulletin) at Ping Medina (actor).

“So, hindi quality films ‘yung kina Vice, Coco, Richard at Coco?” balik-tanong sa amin.

Malamang, di ba, Bossing DMB? The fact na hindi sila napili, e, iyon nga ang kasagutan.

Ang mga member ng screening committee ngayon ay ibang-iba kumpara sa mga nakaraan na binubuo ng mga teacher, estudyante, tricycle driver, jeepney driver, at iba pang walang koneksiyon sa showbiz sa hangaring makuha ang tinatawag na pulso ng masa.

Kaya sa presscon pagkatapos ng announcement ng MMFF’s Magic 8 sa Club Filipino noong Biyernes, nagpaliwanag agad ang komite na hindi biro ang pinagdaanan nila sa pagpili ng walong pelikula mula sa 27 isinumite.

Magkakahiwalay daw sila nang manood ng mga pelikula at nu’ng i-tally na ang kanilang individual scores ay ang mga kasaling pelikula ang lumabas.

“Naging madali ang proseso, walang nadoble, walang nagpasaway or anything. I think, we were all looking in the same direction na ang concern namin primarily ay ang quality of the films,” bungad paliwanag ni Mr. Tiongson. “Hindi kami nag-uusap habang nanonood kami, basta idya-judge namin ‘yung pelikulang napanood, ganu’n ang nangyaring evaluation and we kept the results by ourselves until the day of the deliberation at tsinek namin ‘yung recording kung tama, at nu’ng nakita naming tama ay ni-re-affirm na namin ‘yung averages na ibinigay.”

Hindi naging factor sa kanilang pagpili ang commercial appeal.

“Hindi naging factor ang commercial, ang concerned ay the quality of the film, kahit sabihing na ibang films ay made for money that’s not the concern po. Sa ibang genres din, secondary na lang ‘yun, una ang quality talaga,” katwiran ni Mr. Tiongson.

“We believe na with the proper marketing, these choices will be commercial success kasi may laman sila,” dagdag pa niya. “In other words, nagsisimula ka with the good product. At gusto sana naming himukin ang manonood na Pilipino na tangkilikin natin ang mga ganitong klaseng pelikula kasi kung gusto natin talaga ng tunay na pagbabago sa industriya, ipakita natin ‘yung mga pelikula na dapat sanang ginagawa, hindi lang nakakaaliw, nagmumulat pa.”

“’Yung tungkol doon sa commercial films na hindi nakasama, we have 365 days naman sa isang taon,” katwiran naman ni Mae Paner. “Ang hinihingi lang naman ng Metro Manila Film Festival ay ang walong magagandang pelikula ay mapanood sa loob ng dalawang linggo. So, siguro naman, that’s not a lot to ask. Given the other films, you can show it for the rest of the year.”

Paano ang mga bagets na nakasanayan na ang panonood ng mga pelikula nina Vic at Vice at iba pang kilala nila? Sa walong kalahok, tila walang bida na kilala ng mga bata.

“I think the other movies, apart from Saving Sally at ‘yung Vince, Kath and James ay papatok siya sa mga bata.

Although papatok pa rin siya sa mas malawak na audience, hindi lang sa kabataan. Inuna talaga namin ‘yung kalidad ng pelikula,” sagot ni Mae.

Paano kung hindi kasing dami ng tao noong mga nagdaang taon ang manood ngayong MMFF?

“It’s their loss if they don’t see the movies,” mabilis na sagot ni Mrs. Belen. “Sabi nga ni Nick, kailangan natin ng pagbabago rin, kaya inumpisahan na namin sa choices ng films.”

“Feeling namin, may ibang putahe na mas masarap,” hirit ni Mae.

Itinanong din sa komite kung kinonsidera ba nila sa 2016 MMFF ang big stars na mas marami ang fans na sumusunod lalo na sa Parade of the Stars.

“Hindi namin kinonsider ang big stars, basta ang kinonsider namin ay mga pelikula sa kabuuan. Kung merong big star, fine, kung wala, okay lang. In other words, walang prejudice laban sa isang pelikula,”sagot ni Mr. Tiongson.

Sumang-ayon din naman ang committee na hindi talaga nila kilala ang ibang artista sa mga pelikulang napili nila, pero nagalingan sila tulad sa pelikulang Vince, Kath and James.

Ang binabanggit nila ay si Joshua Garcia.

“May isang pelikula na natapos na naming panoorin, sabi namin, anong pangalan ng batang ‘yan, grabe, sabi namin, future Papa P (Piolo Pascual). Hindi namin siya kilala, pero we fall in love with him. Sino ba ‘yun? Si Vince, OMG talaga, grabe hindi ko siya kinaya,” sabi ni Mae.

Susog ni Mr. Tiongson, “Kaya nga we’d like to discover talents like this, hindi ‘yung ‘yun at ‘yun na lang nakikita natin. Especially this particular boy, really amazing. Napaka-intelligent nu’ng approach niya at interpretation niya, ‘yung shift ng emotion, amazing talaga.”

Ilan lang ito sa napakahabang mga paliwanag ng komite kung bakit ang walong pelikula ang pinili nila.

Samantala, napakasaya naman ng film producers at filmmakers ng mga napiling pelikula.

1. Ang Babae sa Septic Tank 2: Forever Is Not Enough Bida sina Eugene Domingo at Jericho Rosales kasama sina Joel Torre, Agot Isidro, Cai Cortez, Kean Cipriano at Khalil Ramos mula sa direksiyon ni Marlon Rivera.

2. Die Beautiful nina Paolo Ballesteros, Luis Alandy, Gladys Reyes, Albie Casino, Lou Veloso, Inah de Belen, IC Mendoza, sa direksiyon ni Jun Robles Lana.

3. Kabisera ni Nora Aunor with Ricky Davao, Perla Bautista, and Ces Quesada. JC de Vera, Jason Abalos, Victor Neri, RJ Agustin, Ronwaldo Martin at Kiko Matos, sinulat ni Real Florido at co-director na si Arturo “Boy” San Agustin.

4. Oro ni Joem Bascon sa direksiyon ni Alvin Yapan.

5. Saving Sally nina Rhian Ramos, Enzo Marcos at TJ Trinidad, directed by Avid Liongoren.

6. Seklusyon na pagbibidahan nina Dominic Roque, Ronnie Alonte, John Vic de Guzman, JR Versales, Neil Ryan Sese, Lou Veloso at Rhed Bustamante mula sa direksiyon ni Erik Matti.

7. Sunday Beauty Queen, documentary-drama na isinulat at idinirehe ni Babyruth Villarama-Gutierrez.

8. Vince, Kath & James nina Julia Barretto, Joshua Garcia at Ronnie Alonte with Ian Veneracion, Bea Alonzo, Iza Calzado, Enchong Dee at JK Labajo mula sa direksiyon ni Theodore Boborol. (REGGEE BONOAN)