Tuluy-tuloy ang road clearing operations sa Manila City upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Mayor Joseph “Erap” Estrada, dapat pa ngang mas lalong maghigpit ang lungsod sa illegal vendors sa panahong ito. “Hindi tayo titigil kahit Pasko. Tuluy-tuloy pa rin ang ating road clearing operation,” diin niya.
Sinabi noon ni Estrada na hindi na niya papayagan ang night market sa Recto Avenue mula Abad Santos hanggang Juan Luna ngayong Disyembre dahil makakadagdag lang ito sa bigat ng trapiko.
Gayunman, magkakaroon ng maliit na night market para sa mga tindero ng gulay at wet goods mula Juan Luna hanggang Asuncion ng Recto Ave, na bubuksan mula 6:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga. (Mary Ann Santiago)