SHOCKED ang halos lahat ng mga dumalo sa announcement kahapon ng walong pelikulang napili bilang kalahok sa 2016 Metro Manila Film Festival mula sa 27 pelikulang isinumite sa screening committee sa Kalayaan Hall ng Club Filipino.
Ang mga pelikulang mapapanood sa taunang pista ng pelikulang Pilipino ay ang Die Beautiful, Kabisera, Saving Sally, Seklusyon, Sunday Beauty Queen, Oro, Vince, Kath & James, at Ang Babae sa Septic Tank 2.
Ang screening commitee ay binuo nina Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, Allan Allanigue, Lawrence Fajardo, Krip Yuson, Nicanor Tiongson, Mae Paner, Crispina Belen at Ping Medina.
Nagkatanungan kung tumaas na ang standard ng MMFF o gusto lang mabago ang direksiyon ng filmfest pagkaraan ng 42 taon.
Ipinaalam na mas naging concern ang commitee sa quality at representation ng iba’t ibang genre, hindi ang market value. Anila, dapat lamang na ngayong 2016 na magsimula ang quality films.
Hindi rin kinonsidera ang big stars o star system. Kaya hindi pumasok ang mga pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin at ganoon din ang pelikula ni Vic Sotto, atbp.
Sa kabilang banda, nagdiwang naman ang independent producers/filmmakers dahil sila ang napiling ipalabas sa Metro Manila film festival. (REGGEE BONOAN)