ANG mga guro ay itinuturing na magulang ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Nagmumulat sa mga kabataan ng magandang kaugalian, humuhubog sa kanilang mga pagkatao, at tagapagsalin ng karunungan upang sa darating na panahon ay maging kasangkapan ang mga ito sa pagkakaroon ng hanapbuhay.
Sa isang tula na isinulat ng inyong lingkod na may pamagat na “Ang Mutya Kong Guro”, ipinamalas ko ang aking pagpapahalaga at pagpupugay sa mga guro: “Gabay ng talino at tanglaw sa karimlan, bukal ka ng dunong nitong kamusmusan; at ng aking diwang sa aral mo’y uhaw. Magulang ko ikaw sa silid ng dunong, loob mo’y busilak, puso’y mahinahon; tagapag-ingat ka sa habang panahon, ng mabuting bunga at dakilang layon”.
May nagsasabi naman na ang mga guro, kahit mababa noon ang suweldo at kahit malaki na ngayon, ay nakikita ang kanilang lantay na dedikasyon sa pagtuturo. Sa kanilang paniwala, ang paglilingkod ay una sa kanilang puso. Ang pagtuturo ay isang misyon. Ang mga guro ang nagsisilbing ilaw ng mga mag-aaral. Hindi lamang sa pagkakamit ng karunungan at kaalaman. Ang mga guro rin ang nagsisilbing halimbawa sa pagkakaroon ng kabutihang-asal.
Sa lalawigan ng Rizal, ang mga guro ay hindi nalilimutang bigyan ng pagpapahalaga at pagkilala tuwing sasapit ang Nobyembre. Sa pamamagitan ito ng GURONASYON (acronym o mula sa salitang GUro at koroNASYON). Sa Guronasyon, ang mga natatanging guro sa Rizal ay binibigyan ng pagkilala at parangal sa paniwalang sa kamay ng mga guro nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan sa lalawigan ng Rizal. Ang Guronasyon ay inilunsad ni dating Rizal Cong. Bibit Duavit noong 1994 bilang pagkilala sa mga natatanging guro sa Rizal. Kabalikat sa paglulunsad ng nasabing proyekto si dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr. at sa pakikipagtulungan ngayon nina Representative Michael Jack Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal; Gov. Rebecca Nini A. Ynares; at ng Province of Rizal Education Development Advisory Council (PREDAC).
Sa misyon ng Guronasyon, pinahahalagahan nito ang mga guro sa paniwalang malaki ang kanilang maitutulong upang mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Sa darating na ika-25 ng Nobyembre, nakatakdang parangalan ang mga napiling natatanging guro mula sa DepEd Rizal, DepEd Antipolo, University of Rizal System (URS), at TESDA (Technical Education School Development Authority).
(Clemen Bautista)