Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH) na tumaas pa ang bilang ng mga taong dinapuan ng Zika virus sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Ubial, nakapagtala sila ng 10 panibagong kaso ng Zika virus sa bansa, dahilan para pumalo na sa 33 ang kaso.
Nabatid na sa naturang bilang ay 12 ang taga-Iloilo, 4 sa Bacoor, Cavite; 3 sa Mandaluyong, 3 sa Calamba, Laguna, 2 sa Antipolo, 2 sa Las Piñas, 2 sa Muntinlupa; 1 sa Cebu; 1 sa Quezon City, 1 sa Makati, 1 sa Caloocan, at 1 sa Maynila.
Pinakamaraming Zika virus cases ang dumapo sa Region 6 –Eastern Vizayas at pumangalawa naman ang National Capital Region (NCR).
Kaugnay nito, hinihimok ng DoH ang publiko na maglinis ng kapaligiran at sugpuin ang mga pinamumugaran ng lamok na nagdudulot ng Zika, partikular ngayong panahon ng taglamig kung saan mabilis dumami ang lamok.
Bukod sa Zika virus, nakukuha rin mula sa kagat ng lamok ang mga sakit na dengue, Chikungunya at malaria, na maaaring makamatay kung mapapabayaan. (Mary Ann Santiago)