WALANG sinumang mamamayan sa bansa ang salungat sa inilulunsad na drug war ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang mapawing ganap ang salot na ito sa lipunan na ang kalimitang biktima ay mga kabataan na minsan ay inilarawan ni Dr. Jose Rizal na “Pag-asa ng Bayan”.

Ang ikinababahala lang ng mga Pinoy ay ang walang habas na pagpatay ng mga pulis sa mga pinaghihinalaang drug pusher at user dahil nanlaban daw.

Hindi ba utos ni Mano Digong na barilin at patayin ng mga alagad ng batas ang sinumang tulak at adik na manlalaban?

Eh, nanlaban nga ba?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kabila ng 4,000 drug suspect na naiulat na napatay sapul nang ilunsad si Pangulong Duterte ang “giyera sa droga”, wala pa umanong kahit isang pulis ang kinasuhan sa hukuman bagamat may mga report na sinadya ang mga pagpatay.

Ito ang pahayag ni Jose Luis Martin “Chito” Gaston, chairman ng Commission on Human Rights (CHR), tungkol sa umano’y walang habas na pagpatay ng mga tauhan ng PNP raiding team sa mga suspek sa bawal na droga.

Pinabulaanan ito ng awtoridad at ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa. Hindi nila kinukunsinti ang pagpatay sa drug pushers at users. Layunin ni Mano Digong na palisin sa ‘Pinas ang lason ng droga at kung maaari ay itumba ang lahat ng sangkot sa illegal drugs.

Naniniwala ang mga Pinoy na kung walang drug suppliers/manufacturers, tiyak walang pushers at users sapagkat walang shabu silang maibebenta o magagamit.

Samakatuwid, higit na dapat pagtuunan nina Du30 at Gen. Bato ay “gilitan” at “pakainin ng bala” ang drug lords/suppliers at hindi ang ordinaryong drug pushers at users.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and illegal drugs ni Sen. Panfilo Lacson, tinanong ng mga senador ang mga pinuno at tauhan ng PNP Region 8 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Masusi at matindi ang mga kuwestiyon nina Lacson, Sens. Richard Gordon, Franklin Drilon. Grace Poe, Tito Sotto at iba pa hinggil sa pagkamatay ni Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob mismo ng kanyang selda. Nagtataka sina Lacson kung bakit kailangan pa ang search warrant laban kay Espinosa gayong ito’y nakakulong na.

Bukod dito, bakit madaling araw isinilbi ang search warrant? Maliwanag, sabi ni Lacson, na ito ay plinano o kaya’y premeditated upang iligtas sa pagkakasangkot sa droga ang mga opisyal na nasa drug list ng alkalde na umano’y protektor ng bawal na gamot sa Eastern Visayas. Also, nasaan ang CCTV camera na nasa loob ng bilangguan?

Sa istorya ng isang English broadsheet, ganito ang isinasaad: “Ping to Rody: Heed signs of rubout.” Ibig sabihin ni Lacson, dapat pagpaliwanagan at nang maliwanagan ang Pangulo tungkol sa findings ng PNP sa pagpatay kay Espinosa.

Suportado ni RRD ang PNP team. Ayon kay Sen. Ping, maaaring magbago ng isip si Du30 hinggil sa “premeditated killing” ng alkalde. Sinabi ng senador na maging ang hiwalay na mga imbestigayon ng PNP Internal Affairs Service (IAS), Police Regional Office 8 (PRO-8), at ng NBI, nagsasaad na ang pagpatay ay isang “rubout.”

Pahayag ni Lacson: “It’s only a matter of explaining in detail to Pres. Duterte what really happened in Baybay so the President will be enlightened and take appropriate action on the incident.” Samakatuwid, hindi dapat magpadalus-dalos si Pangulong Duterte sa pagsuporta sa mga pulis nang hindi muna batid ang detalye ng mga pangyayari. (Bert de Guzman)