Damian Lillard,Darren Collison

LA Clippers, nangunguna sa NBA.

MINNESOTA (AP) – Nahila ng Los Angeles Clippers ang winning streak sa anim matapos angasan ang Timberwolves, 119-105, nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Tumipa ng double-double sina Blake Griffin (20 puntos at 11 rebound) at DeAndre Jordan (18 puntos at 16 rebound) para sandigan ang Clippers sa pinakamatibay na panimula sa 9-1.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nag-ambag si Chris Paul ng 19 puntos, habang kumubra si JJ Redick ng 18 puntos para sa Clippers, nanatiling walang talo sa limang road game.

Nakamit naman ng Timberwolves ang ikaanim na kabiguan sa walong laro, sa kabila ng matikas na opensa nina Karl-Anthony Towns at nagbabalik aksiyon na si Ricky Rubio.

Nagsalansan si Towns ng 24 puntos at 10 rebound, habang tumipa si Andrew Wiggins ng 22 puntos. Galing sa injury si Rubio.

SPURS 106, ROCKETS 100

Sa Houston, natigagal ang home crowd nang pasabugin ng San Antonio Spurs ang Rockets.

Nanguna si Kawhi Leonard sa naiskor na 20 puntos para bawian ng Spurs ang Rockets, nagwagi sa kanilang unang paghaharap may tatlong araw ang nakalilipas.

Kumawala rin sa Spurs sina LaMarcus Aldridge na may 18 puntos at 10 rebound, habang kumana si Tony Parker ng 16 puntos ay nag-ambag si Pau Gasol ng 15.

Naitala ni James Harden ang triple-double -- 25 puntos, 13 assist at 11 rebounds – para sa Rockets.

BULLS 106, WIZARDS 96

Sa Chicago, nadomina ng Bulls ang Washington Wizards sa third period tungo sa impresibong panalo – ikaanim sa 10 laro.

Hataw si Jimmy Butler sa Bulls sa natipang 37 puntos, habang kumana sina Nikola Mirotic at Dwyane Wade ng 17 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nabigo ang Wizards, pinangunahan nin Markieff Morris na may 24 puntos, sa ikalawang sunod at ikapito sa kabuuang siyam na laro.

RAPTORS 118, KNICKS 107

Patuloy ang matikas na opensa ni Demar DeRozan sa natipang 33 puntos sa panalo ng Toronto Raptors kontra New York Knicks.

Naitala ni DeRozan ang 30 puntos para sa ikapitong panalo sa siyam na laro ng Raptors.

Nag-ambag sina Norman Powell na may 19 puntos, Kyle Lowry na kumana ng 16 puntos at Jonas Valanciunas na may 13 marka para sa Raptors.

Nabalewala ang matikas na laro nina Carmelo Anthony, Kristaps Porzingis at Derrick Rose.

Umiskor si Anthony ng 31 puntos, tumipa sina Porzingi at Rose ng tig-21 puntos.

Sa iba pang klaro, nagwagi ang Milwaukee Bucks kontra Memphis Grizzlies, 106-96; namayani ang Utah jazz laban sa Miami Heat, 102-91.