“Wala nang bonggang-bongga. Tutal hindi naman state funeral, kundi libing lang ng isang kawal, ng isang sundalo, ang minimithi ng ama ko.”

Ito ang inihayag kahapon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos, kasunod ng pagpayag ng Supreme Court (SC) na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Ang kahilingan din lamang naman aniya ng kanilang ama ay mahimlay sa tabi ng kanyang mga kapwa sundalo.

Hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang petsa kung kailan isasagawa ang libing dahil ngayon pa lamang aniya nila ito pag-uusapan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Patawad

Kaugnay nito ay muling humingi ng kapatawaran ang gobernadora sa anumang kamalian noong panahon ng martial law.

“Hindi apology ang sinasabi ko. Sa akin forgiveness na lang sa lahat ng nakalipas at sa lahat ng mga nangyari sa buhay natin. E, talagang kinakailangan mag-move on,” aniya, sa isang panayam sa telebisyon.

Giit niya, ang mahalaga ngayon ay iwaksi na ang anumang poot sa dibdib, magkaroon ng paghihilom at magkaisa ang lahat para sa bayan.

Go signal ni Digong

Samantala tinanong umano ni dating Senator Bongbong Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte kung pwede na nilang paghandaan ang libing ng yumaong Marcos.

“Yes, you can,” tugon umano ng Pangulo.

Hinggil sa kanyang posisyon, sinabi ng Pangulo na sinusunod lang niya ang batas. “As a lawyer, I stick by what the law says. The law says that soldiers and ex-presidents, ‘yung namatay o maski hindi siguro ex, basta presidente ka, doon ka ilibing,” ayon sa Pangulo.

Insulto sa EDSA spirit --- bishop

Sinabi naman ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na nakakalungkot at insulto sa EDSA spirit ang desisyon ng SC na ibasura ang mga petisyong humaharang sa paghihimlay sa dating strongman sa Libingan ng mga Bayani.

“I am puzzled and hurt and in great grief. It calls for greater courage to make the full truth of the dictatorship known,” ani Villegas.

Sa panig ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, nakakadismaya umano ang desisyon, lalo na’t hindi na matutulungan ang mga biktima ng martial law.

“The family will never say Marcos did wrong; they have not returned the money they stole from the people and they try to do revisionist history which is a lie to the whole world,” dagdag pa nito.

Senado dapat may posisyon

Hinikayat naman ni Sen. Bam Aquino ang mga kapwa senador na maglabas ng isang posisyon hinggil sa desisyon ng SC.

Aniya, tungkulin ng Senado na makialam sa maiinit na isyu sa bansa at mahalaga rin na mayroong sasabihin sa isyu na ito na napakahalaga sa bansa.

“More than the Supreme Court, I think this resolution allows us to voice out the sense of the Senators on the matter,” ayon kay Aquino.

Naghain naman ng isang resolusyon si Senator Risa Hontiveros na naglalayong maglabas ng posisyon ang Mataas na Kapulungan at nakatakda na itong pagbotohan.

(Mary Ann Santiago, Genalyn D. Kabiling , Leslie Ann G. Aquino at Leonel M. Abasola)