Inimbitahan bilang guest speaker ang Pangulong Duterte sa gaganaping Batang Pinoy National Finals sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2 sa Tagum City.
Ayon kay PSC Commissioner Celia Kiram, inaasahan nila na pangungunahan ng Pangulong Digong ang mahigit 11,000 atleta mula sa buong bansa sa opening ceremony sa isa sa progresibong lungsod sa Mindanao.
“Malapit ang Pangulo sa mga atleta kaya posibleng darating siya,” sambit ni Kiram sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association.
Hindi na magsasagawa ng qualifying legs ngayong taon kumpara sa nakalipas na edisyon, ayon kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“Since bago lang kami, one national tournament muna this year and then pag-aaralan further kung will be holding different legs in Luzon, Visayas, and Mindanao next year,” sabi ng tanging babaeng commissioner sa PSC Board.
Ipinaliwanag ni Batang Pinoy program director Larry Domingo Jr na tumaas ang bilang ng delegasyon ngayong taon matapos ang desisyon ng ahensiya na iangat ang age bracket mula sa dating limit na 15-anyos pababa.
“Medyo marami ngayon because of that at nagdagdag tayo ng event based on age, bracketing, and then weight categories,” sabi ni Domingo.
Kasama ring dumalo sa Forum si Philippine Sports Institute (PSI) project director Marc Velaco.
Kasama naman ang Batang Pinoy sa programa ng PSI na pagdiskubre at pag-monitor sa mga magwawaging atleta.
“We’ll have data in terms of athletes, follow-up studies on them, and closely monitoring yung progress nila,” sabi ni Velasco. “At the same time, we’ll be giving training support sa mga coaches nila.”
Idinagdag ni Kiram na ang mga magwawagi sa torneo ay sasanayin at paghahandain para katawanin ang bansa sa mga internasyonal na torneo tulad ng Children of Asia International Sports Games, Asian Youth Games at ang Youth Olympic Games.
“Meron tayong pupuntahan at paglalagyan ng mga atleta natin,” aniya.
“And hopefully, magkakaroon tayo ng gold medalist sa YOG.” (Angie Oredo)