OSLOB, Cebu – Naninindigan ang Department of Tourism (DoT)-Region 7 na nananatiling ligtas ang Cebu para sa mga turista sa kabila ng ilang bookings na ang nakansela kasunod ng banta ng kidnapping ng mga dayuhan sa lalawigan.
Sinabi ni DoT-Region 7 OIC Judy Gabato na hindi apektado ang turismo sa Southern Cebu sa nasabing banta, kasabay na rin ng pagkalat online ng mga hindi kumpirmadong report tungkol dito.
“Tourists continue to enjoy the beauty of Cebu Island especially the three municipalities (Dalaguete, Oslob at Sumilon Island),” ani Gabato.
Gayunman, ibinunyag ng mga may-ari ng resort sa mga bayan ng Argao at Dalaguete na anim na booking na ang nakansela dahil sa travel advisory ng embahada ng Amerika na nanawagan sa mamamayan nito na umiwas sa Cebu dahil sa banta ng pagdukot sa mga dayuhang turista sa probinsiya.
Iginiit naman ng Police Regional Office (PRO)-7 na walang banta sa seguridad sa buong Cebu, sa kabila ng nasabing travel advisory. (Mars W. Mosqueda, Jr.)