Hindi pa rin nakatatanggap ng shelter assistance ang aabot sa 200,000 pamilyang sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ tatlong taon na ang nakalilipas, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inihayag ni DSWD Assistant Secretary Hope Hervilla na ang nabanggit na bilang ay para na sa buong Visayas region.
Aniya, P10,000 ang dapat na tanggapin ng bawat pamilyang bahagyang nasira ang bahay, habang P30,000 naman para sa mga pamilyang nawasak ang tirahan.
Sinabi pa ni Hervilla na nahihirapan din ang mga survivor na habulin ang ayuda sa kanila ng gobyerno dahil wala na umanong budget para rito ang Department of Budget and Management (DBM).
Gayunman, nanawagan siya sa mga benepisyaryo na maaari pa rin silang maghain ng petisyon kay Pangulong Duterte upang maaksiyunan ang kanilang mga hinaing.
CLIMATE CHANGE:
ISANG REALIDAD
Sa misa kahapon sa Tanauan Public Plaza sa Tanauan, Leyte para sa ikatlong paggunita sa pananalasa ng Yolanda, nanawagan si Palo Archbishop John F. Du sa mga sinalanta ng bagyo na pagtuunan at seryosohin ang banta ng climate change na nakaaapekto na sa buong mundo.
Umapela sila sa publiko na samahan ng pananalangin sa Birheng Maria ang pagtutulung-tulong sa pag-aalaga sa kalikasan matapos na mabigyang-aral ang mundo sa tindi ng pananalasa ng Yolanda. (Rommel P. Tabbad at Nestor L. Abrematea)