14958881_10154706476941677_1681243892_n-copy

PAWANG cast ng FPJ’s Ang Probinsyano at ilang personal na kaibigan ang imbitado sa 26th birthday party ni Arjo Atayde sa Basil Authentic Thai resto nitong nakaraang Linggo.

Ayon sa aktor, pasasalamat cum blowout na rin niya ito sa buong cast ng seryeng nagpanalo sa kanya ng Best Supporting Actor sa katatapos na PMPC Star Awards for TV.

Hindi nakarating si Coco Martin dahil kasalukuyang may show sa Amerika at ang Dreamscape Entertainment top gun na si Deo Endrinal na nandoon naman sa Europe para doon mag-celebrate ng kanyang kaarawan ngayong araw, Nobyembre 8.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Abut-abot ang pasasalamat ni Arjo sa blessings na natatanggap niya simula nang pumasok siya sa showbiz. Nangako siya sa sarili niya na lalo pa niyang pagbubutihin ang trabaho niya para hindi siya mapahiya sa mga taong nagtitiwala at humahanga sa kanya.

Napakaganda ng ngiti ni Arjo nang itanong namin ang kanyang birthday wish, na pinagtakhan namin. ‘Yun pala, may idini-date na ang panganay nina Art Atayde at Sylvia Sanchez na gusto pa sanang isekreto sa amin.

Pero mabilis ang pang-amoy namin, dahil sa isang long table na kinaroronan niya kasama ang Probinsyano boys sa pangunguna nina John Prats, Pepe Herrera, Marc Arcueza, Benj Manalo, Michael Roy Jornales, Archie Alemania at iba pa ay may nag-iisang babae, ang miyembro ng Girltrends ng It’s Showtime.

Kaagad naming tinawag si Arjo at tinanong kung sino ‘yung girl na katabi niya at natawa siya, binanggit naman ang pangalan pero hindi naman namin natandaan, ha-ha-ha.

Petite at bagets pa ang bagong apple of the eye ni Arjo, at ayon sa kanya ay 19 years old at bago pa lang sa Maynila at sinuwerteng makapasok sa Star Magic at heto na nga, kasama sa Girltrends.

“Nakilala ko po siya, Tita Reggee noong Star Magic ball, ipinakilala po siya sa akin ng handler ko, kakakilala pa lang, ilang araw pa lang po,” sabi ng aktor.

‘Sa madaling salita, siya ang special guest mo ngayong birthday mo,’ sabi namin.

“No naman, tita, she’s one of my guests, marami naman sila, of course my family and cast of Probinsyano. I just invited her,” sangga ng binata.

Diretsong tanong namin, nagdi-date na ba sila ng dalaga?

“Yes, tita, we’re dating po, about four times na, dinner-dinner po,” sabay ngiting sabi ni Arjo.

Para na rin kasi naming anak si Arjo, Bossing DMB kaya lahat ng ma-link sa kanya ay inaalam namin, siyempre, ha-ha-ha.

Tinanong din namin ang ina ng aktor na si Sylvia kung alam ba niya ang tungkol sa bagong girl na idini-date ng anak.

“Nabanggit pa lang ni Arjo, hindi ko pa masyadong kilala kasi busy din ako sa The Greatest Love taping, ‘tapos marami rin akong lakad ‘pag walang taping, si Arjo laging may taping, bihira kaming magkita, so, hindi ko pa siya masyadong nakakausap.

“Wala naman akong tutol kung sino ang gusto ng mga anak ko, alam naman nila kung ano ang gusto ko, dapat marespeto sa lahat at siyempre maayos,” paliwanag ni Ibyang.

(Dios mio, Reggee, kitang-kita na mas istrikto ka pa sa tunay na nanay! –DMB)

Finally, hindi na malamig ang Pasko ngayon ni Arjo na ilang taon ding loveless.

Anyway, nakakatuwa dahil halos lahat ng senior stars na imbitado sa party tulad nina Mr. Eddie Garcia, Jaime Fabregas, Albert Martinez, Agot Isidro, at iba pa ay eksaktong 7 PM dumating kumpara sa bagets stars. Totoo nga ang kuwento nina Direk Jun Lana at Perci Intalan na mas masarap katrabaho ang mga beteranong artista dahil maagang dumarating.

Dumating din si Ms. Susan Roces na nakipagkuwentuhan din sa lahat.

At siyempre, hindi puwedeng mawala ang buong pamilya Atayde na full support sa career ng aktor.

Isa sa mga punong abala sa party ang kapatid ni Arjo na si Ria at siyempre ang mama nilang si Ibyang.

Dumalo rin sa party sina Gretchen Barretto kasama si Tony “Boy” Cojuangco, Billy Crawford, Coleen Garcia, Desiree del Valle kasama ang fiancé na si Boom Labrusca, Bryan Santos at girlfriend nitong si Marian Flores, Olive Isidro (kapatid ni Agot) at iba pa.

Ang isa sa biggest gifts na natanggap ni Arjo ay ang pagbibida niya sa OTJ Series na magkakaroon ng announcement ngayong araw.

Congrats Arjo and stay happy! (REGGEE BONOAN)