Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng Bignay Herbal Tea na hindi rehistrado sa kanilang tanggapan dahil posibleng mapanganib ito sa kalusugan.
Sa FDA Advisory No. 2016-121-A, na pirmado ni Director General Nela Charade Puno, pinag-iingat ang publiko sa pagbili at paggamit ng naturang produkto, na gawa ng Tres Verdes Trading, dahil hindi umano ito rehistrado sa kanilang tanggapan at walang patunay ang sinasabing benepisyo nito sa kalusugan.
Nakasaad sa label ng Bignay Herbal Tea na ito ay mabisang gamot laban sa rayuma, urinary tract infection (UTI), diabetes, alta-presyon, dysmenorrhea, myoma, ulcer at erectile dysfunction, nagpoprotekta laban sa mga sakit sa atay, bato at breast cancer, tumutunaw ng cholesterol, nakapagpapapayat at nakapagpapalakas ng katawan. (Mary Ann Santiago)