Inalerto at pinag-iingat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis sa Central Mindanao kasunod ng pamamaslang sa dalawang pulis sa rehiyon bilang ganti umano sa pagkakapatay kay Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom sa isang anti-drugs operation sa Cotabato noong nakaraang linggo.

Sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na binigyan din niya ng kaparehong babala ang mga pulis sa mga kalapit na rehiyon, gaya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sa harap ng mga ulat na nagdesisyon ang malalaking sindikato ng droga na magsagawa ng mga pag-atake bilang ganti.

“I told the regional directors there that because of the death of Mayor Dimaukom, there have been reports that armed group there would retaliate,” sabi ni Dela Rosa.

Matatandaang napatay ang alkalde at siyam niyang kasama matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis nang harangin sa isang checkpoint sa Makilala, North Cotabato nitong Oktubre 28.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Iginigiit naman ng mga kaanak at ng ilang pulitiko sa ARMM na rubout at hindi shootout ang nangyari, sinabing kung totoong magbibiyahe ng droga ang grupo ni Dimaukom ay bakit 13 sachet lamang ng shabu ang nakumpiska sa mga ito.

Mariin din nilang itinanggi na sangkot sa droga ang alkalde, na kabilang sa drug list ni Pangulong Duterte.

Sinabi naman ni Dela Rosa na dalawang pulis-Cotabato na ang napaslang kamakailan, at iniuugnay niya ito sa pagkamatay ni Dimaukom, sinabing “what they (armadong sindikato ng droga) are hunting now are policemen, they want to get even.”

BAHAY NG ISA PANG COTABATO MAYOR, NI-RAID

Samantala, sinalakay kahapon ng mga anti-narcotics agent ang residential house, babuyan at hinalughog ang anim na mamahaling sasakyan ni Banga, South Cotabato Mayor Albert Palencia.

Armado ng siyam na search warrant para sa mga baril at droga, sinalakay ng grupo ni Supt. Maximo Sebastian, hepe ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (RAIDSOTF), ang bahay ni Palencia sa Barangay Punong Grande, Banga, pasado 3:00 ng umaga kahapon.

Gayunman, walang natagpuang droga o baril sa bahay ng alkalde, bagamat nakakumpiska ang raiding team ng apat na bala ng baril.

Inaakusahan si Palencia ng kanyang mga kalaban sa pulitika ng pagkakasangkot sa droga at ilegal na sugal, bagamat paulit-ulit na niyang itinanggi ito.

Si Palencia ang ikalawang Mindanao mayor na sinalakay ng awtoridad ang bahay, kasunod ni Libungan, North Cotabato Mayor Christopher Cuan—na nakuhanan ng mga baril at bala sa raid nitong Sabado. (Aaron B. Recuenco, Pna)