ZAMBOANGA CITY – Napatay ng mga pulis ang isang hinihinalang kidnapper habang nasugatan naman ang babaeng kasabwat nito at ang limang taong gulang na babaeng biktima makaraang mauwi sa engkuwentro ang pagliligtas sa bata sa national highway ng Barangay Fatima sa Liloy, Zamboanga del Norte, nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Billy Beltran, nasugatan sa kaliwang bahagi ng mukha at agad na isinugod sa ospital ang limang taong gulang na babaeng biktima na taga-Bgy. Mucas, Salug, Zamboanga Del Norte.
Hindi na umabot nang buhay sa Liloy Integrated Health District Hospital si Avon Panggaga, 37, may asawa, ng Bgy. Sta. Maria, Siocon, Zamboanga Del Norte, ayon kay Beltran.
Nabaril naman sa kaliwang braso at kaliwang bahagi ng tiyan ang kasamahan ni Panggaga na si Farhana Mancao Eddai, 32, may asawa, ng Bgy. Sta. Maria, Siocon, Zamboanga Del Norte.
Ayon pa kay Beltran, pansamantalang nakapiit sa himpilan ng Liloy Municipal Police ang driver ng tricycle na sinakyan ng mga suspek at biktima na si Lauro Timtim Tejada, 34, may asawa, ng Bgy. Mucas, Salug.
Napaulat na dinukot ni Panggaga ang bata nitong Biyernes ng tanghali sa Bgy. Mucas at nauwi sa sagupaan ang paghabol ng mga pulis sa mga suspek na umabot sa national highway ng Bgy. Fatima sa Liloy, dakong 10:30 ng umaga nitong Sabado.
Nakumpiska sa lugar ng engkuwentro ang isang .45 caliber pistol, isang granada, isang basyong bala ng .45 caliber, bala ng caliber 5.56mm, ang asul na tricycle (JA-78211) ni Tejada, isang magazine ng .45 caliber, at anim na bala ng nasabing pistol.
Nakasamsam din umano ng tatlong maliliit na transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu sa bulsa ni Pangaga, ayon kay Beltran. (Nonoy E. Lacson)