TACLOBAN CITY, Leyte – Kinondena ni Archbishop John F. Du ang kaawa-awayang lagay ng mga sementeryo sa iba’t ibang dako ng bansa at sinabing panahon nang maisaayos ang mga ito, dahil ito ang dapat sana’y lugar ng kapahingahan ng ating mga mahal sa buhay.
Sa kanyang homily sa ika-49 na kapistahan ng St. Jude Parish Church sa Tacloban kahapon, pinuna ni Archbishop Du ang kaawa-awang kalagayan ng mga pampubliko at Katolikong sementeryo na hindi, aniya, dapat dahil ito ang huling hantungan at lugar ng kapahingahan ng ating mga mahal sa buhay.
Ikinumpara ni Du ang mga sementeryo sa bansa sa mga tambakan kung paanong kung saan-saan na lamang inililibing ang mga yumao.
“We have a sad state of our cemeteries and this should be corrected because we find it hard to visit our dead because of the disarrayed burial grounds in our cemeteries,” ani Archbishop Du.
Sinabi ni Du na dapat na naka-landscape ang mga sementeryo sa bansa, gaya sa mga memorial park, at natataniman ng naggagandahang ornamental plant, bukod pa sa dapat na may tugtog na pumapailanlang sa buong sementeryo kapag Undas na para bang nasa langit ang nakakarinig.
Aniya, dapat na maayos at may mataas na kapilya sa gitna ng sementeryo, dahil lahat naman tayo ay mahihimlay doon.
Nanawagan naman si Naval (Biliran) Bishop Filomeno G. Bactol sa publiko na iwasan ang pagsisindi ng napakaraming kandila, kahit ano pa man ang okasyon, at iginiit na ang pagpapamisa ang pinakamataas na uri ng panalangin.
(Nestor L. Abrematea)