AMINADONG babaero at isang Ladies’ Man, inaamin ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya ay “out of the romantic market” na. Tapos na siya. Nagrereklamong masyadong abala sapul nang mahalal na pangulo ng bansa na umani ng 16.6 milyong boto kaya lagi siyang nag-iisa at nagtatrabaho.
Sa harap ng mga pinunong lokal sa Makati City kamakailan, nagbibirong sinabi ni Mano Digong na sa edad na 71, wala nang babaeng maaakit pa sa kanya kundi dahil lamang sa kanyang pera. Nagdududa rin ang machong presidente kung siya ay magiging “physically attractive” pa sa mga anak ni Eba.
Ganito ang pahayag ni President Rody: “If I court someone, will they reciprocate my feelings? Nobody will. I am old.
I’m 71. They are only after my money. Would they still want my body? What would my body give them”? Talagang duda na si RRD sa kanyang kakayahan.
Bulong sa akin ng kaibigang palabiro-sarkastiko: “Maisasalba pa siya ng viagra.” Sabad naman ni senior-jogger: “’Di ba sinabi niya noon na his life is useless without viagra?” Ay naku, kayraming viagra sa botika, bili na Mr. President. Kayrami mo namang pera.
Patuloy sa pagbibiro si Mano Digong nang kanyang ihayag sa local officials na kapag ang isang lalaki ay tumatanda na “one’s sexual appetite is diminished once he gets old.” Ito ba mahal na pangulo ay speaking from experience? Kung ganoon, Mr. President, viagra pa uli, kaya mo iyan. Only, ingat lang lalo na kung may sakit sa puso.
Samantala, sa kabila ng mga pagpuna ng US, UN, EU at international human rights body hinggil sa human rights violations at extrajudicial killings sa inilulunsad na drug war ng Pangulo, hindi raw niya tatantanan ang paglaban sa illegal drugs habang may isang adik... na nakatayo sa lansangan.
Kaya lang may nagtatanong: “Pres. Duterte at General Bato, meron na ba kayong naitumbang drug lord o bigtime drug boss? Nasaan na ngayon si Peter Lim na drug lord daw sa Cebu City na minsan ay iniharap at nakausap pa ng Pangulo noon? (Bert de Guzman)