MULING nagpakitang-gilas ang culinary arts students mula sa iba’t ibang culinary schools at ipinamalas ang kanilang talento sa taunang pagdiriwang ng Hotel and Restautant Tourism Weekend, ang pinakamalaking event na isinasagawa ng Hotel and Restaurant Association in Baguio (HRAB), noong Oktubre 19-21 sa CAP Building ng Camp John Hay.
Sa temang “Agree to Agri: Putting our best food forward,” ay kauna-unahan ding nag-host ang Baguio City ng 10th National Food Showdown, na nagbigay ng malaking kontribusyon sa larangan ng local tourism industry para sa lungsod.
Ayon kay HRAB President Anthony de Leon, ang National Food Showdown na may temang “Bringing the Farm to the Table” ay nilahukan ng skilled and talented students and professionals na pawang nanalo na sa culinary competitions sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region (NCR)
Aniya, ang ika-13 taong Hotel and Restaurant Tourism Weekend ay isinagawa ng HRAB para makatulong sa culinary students, hindi lamang sa Cordillera kundi maging sa Northern at Central Luzon, na maipamalas ang kanilang natutuhan sa pag-aaral at maging daan din para sa kanilang trabaho sa hinaharap.
Bukod dito, malaking bentahe rin ang okasyon na ito sa turismo sa lungsod, dahil maraming manonood ang dumarating para makita ang talent ng mga estudyante.
Ang ilan sa mga naging kompetisyon ay ang table setting, cooking, fruit and vegetable carving, floral design, housekeeping, center piece design, wedding cake, bartending, chef wars, pantry chef, cupcakes, amuse bouche, mocktail mixing, pasta and sauce, plated desserts, ice breakers, cocktail mixing, creative cake decoration, flairtending at marami pang iba.
Pero hindi lamang sa culinary arts may paligsahan, dahil may pagandahan, papogian at patalinuhan din sa ilalim ng Mr and Miss HRAB pageant.
Ayon pa kay De Leon, ang mga mananalo sa iba’t ibang kompetisyon ay may malaking tsansa na makasali sa international culinary arts competitions sa Singapore Food Expo at ibang pang kaparehong activities sa United States.
Ang HRAB ay multi-sectoral group na kinabibilangan ng stakeholders sa tourism sector na ang misyon ay mapalago at mapalakas ang turismo at hospitality industry mula sa training at pooled resources ng member establishments at suporta ng local at line agencies para lalo pang mapainam ang mga kakayahan at ang paghahatid ng serbisyo.
(RIZALDY COMANDA)
[gallery ids="202576,202575,202574,202573,202572,202571,202570"]