HINDI na nakaiwas sa mahabang kamay ng batas si Rolan “Kerwin” Espinosa. Nadakip siya sa Abu Dhabi, United Arab Emirates matapos siyang inguso ng mga OFW na nakakita at nakakilala sa kanya roon. Nagtago siya matapos siyang pangalanan ni Pangulong Digong sa illegal drug trade, kasama ang kanyang ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Jr. Ang dalawa ay umano’y top “drug lord” sa Visayas.

Si Mayor Espinosa ay nakapiit ngayon dahil sa pag-iingat ng 11.5 kilo ng shabu at matataas na kalibre ng baril. Hindi ko alam kung ito ang paraan ng gobyernong puspusang nakikidigma sa ilegal na droga upang siya ay maihiwalay sa mga gumagamit at nagtutulak nito para sa kanyang kaligtasan.

Una na kasing napatay ang anim sa kanyang mga tauhan sa isa umanong engkuwentro sa mga pulis. Bago pa ito, nang makipagkita siya kay PNP Chief Ronald dela Rosa, matapos siyang pangalanan ng Pangulo na sangkot sa ilegal na droga, pinatulog siya nito sa kanyang White House sa takot na mapatay kapag umuwi siya sa Iloilo.

Ngayong nadakip na ang kanyang anak na si Kerwin, kahit hindi pa siya nakukuha ng ating gobyerno sa Abu Dhabi, pinag-iisipan na ng Department of Justice (DoJ) na gawin siyang state witness.

Ayon kay DoJ Secretary Vitaliano Aguirre, maaari raw siyang gamiting testigo ng gobyerno sa kaso nitong illegal drug trade laban kay Sen. Leila de Lima.

Magugunita na may larawang lumabas sa mga pahayagan na kasama ni Kerwin si Sen. De Lima noong ito ay nasa Baguio sa kasagsagan ng kampanya para sa kanyang kandidatura. Kung paano ipaliliwanag ito ni Kerwin depende kung kukunin na siyang testigo dahil sa kanyang testimonya na naayon sa “katotohanan”. Ang DoJ ang magpapasya kung ito ay totoo o kasinungalingan. At kung totoo para sa DoJ, ang kapalit nito ay ang kanyang proteksiyon sa ilalim ng Witness Protection Program na ipinangako ni Sec. Aguirre.

Totoo, nasabi ng pulisya na hindi nito prayoridad na gawing state witness si Kerwin. Kapag dumating na siya, ang gagawin daw nito ay imbestigahan siya at... (tuklasin ang kanyang kaugnayan sa ilegal na droga. Pero, ang gawing testigo ng gobyerno si Kerwin laban kay De Lima ay kapangyarihan ng DoJ. Ito ang nagsasabi kung dapat siya ay pangalagaan.

Ang mga pinatay na at pinapatay pa ay hindi tulad ni Kerwin at ng kanyang ama na malakas at makapangyarihan. Sila iyong mga dukha na mahina na at sa kanilang barung-barong inaabot ng kamatayan at ang iba sa kanila’y pakalat-kalat ang bangkay sa kalye na ang suot ay tsinelas at gula-gulanit na damit. (Ric Valmonte)