DAVAO CITY – Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa puwesto kay Trento, Agusan del Sur Mayor Johnmark Billanes at sa bise alkalde nitong si Victoria Plaza makaraang makakita ng sapat na dahilan upang kasuhan sila at ang apat na iba pa sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at technical malversation.

Inatasan ng Ombudsman ang Department of Interior and local Government (DILG) na ipatupad ang dismissal sa loob ng 10 araw.

Bukod kina Billanes at Plaza, kinasuhan din ng Ombudsman ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Edwin Demegillo, Pedro Mordeno, Leona Magno at incumbent SB member Ludy Andale.

Natuklasan ng Ombudsman ang mga iregularidad sa P1-milyon land deal na pinangunahan umano ng kapatid ng alkalde na si Romeo Billanes, Jr., na nagmamay-ari sa 7,775 metro kuwadradong lupain sa national highway sa Barangay Poblacion, Trento, Agusan del Sur.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa desisyong inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng Ombudsman na nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan upang makahiram ng P1,000,000 mula sa 2012 Appropriations for the Rehabilitation of the Farm-to-Market Road upang mabili ang nasabing lupain para sa panukalang Rice Processing Center.

Tinukoy ang ipinasang resolusyon, sinabi ng Ombudsman na “no ordinance was passed by the SB of Trento realigning the P1,000,000” budget at ang perang “realigned” para sa pagbili ng lupa ay iba sa orihinal na pinaglaanan nito.

“Insofar as the graft charge, unwarranted benefits, advantage or preference was extended by respondents to the mayor’s brother, through manifest partiality or evident bad faith, as Romeo’s property had already been identified for acquisition even prior to appraisal of the land,” anang Ombudsman.

Dahil dito, inatasan ng Ombudsman ang DILG na sibakin sa puwesto sina Billanes, Plaza, Demegillo, Andale, Mordeno at Magna makaraang mapatunayang guilty ang mga ito sa “Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.” (ANTONIO L. COLINA IV)