April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Ilang jeepney drivers at riders, todo-tipid na dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina

Ilang jeepney drivers at riders, todo-tipid na dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina
Photo courtesy: via Mark Balmores (MB)/Mc Vincent Mirabuna (Balita)

Kaniya-kaniyang diskarte na ang jeepney drivers at riders kung paano makatitipid lalo't mataas na ang presyo ng petrolyo sa merkado, dulot na rin ng sigalot sa Middle East.

Nag-umpisa ito nang atakihin ng Amerika at Israel ang Iran noong Pebrero.

Dahil dito, ramdam ng mga bansa sa buong mundo, maging sa Pilipinas, ang epekto nito sa kalakalan ng langis, lalo pa't nanggagaling sa Middle East ang malaking suplay nito.

Matatandaang sinabi ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin ang nakatakdang pagtaas ng mga presyo sa petrolyo mula ₱17 hanggang ₱24 kada litro, simula ngayong linggo.

Ayon sa naging pahayag ni Garin sa pagdinig ng Committee on Ways and Means sa Kamara noong Lunes, Marso 9, 2026, direkta niyang sinabing iniulat umano sa kanila ng oil firms sa bansa ang nasabing pagsipa ng presyo sa petrolyo.

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

Ramdam na nga ang epekto partikular sa mga komyuter at driver.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa isang motorcycle rider na si Aries Pascual noong Martes, Marso 11, 2026, inamin niyang may malaki raw talagang epekto ang pagtaas ng presyo ng gasolina para sa mga kagaya niyang pangunahing kumokonsumo nito na ginagamit niya sa kaniyang trabaho.

Ani Pascual, higit na mas mahirap daw ang kasalukuyang pagtaas ng presyo sa petrolyo dahil hindi pa rin naman umano nagtaas ng presyo sa pamasahe ang ride-hailing app na pinagtatrabahuhan niya.

Diin niya, kailangan daw niya, at ng mga katrabaho niya, na magdoble-tipid upang hindi lubhang maapektuhan ng pagtaas ng presyo sa petrolyo.

Anang rider, utay-utay na raw talaga nilang nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng gasolina simula nang pumasok ang linggong ito, lalo na raw at malakas kumonsumo ang ginagamit niyang motor.

Bilang paghahanda, ibinahagi ni Pascual ang ilan sa kaniyang paraan upang mapantay nang husto ang kaniyang pagkonsumo sa gasolina at pagba-budget.

“Katulad ng sinabi ko kanina, medyo tipid-tipid muna talaga. Kapag may sobra, ilaan na lang talaga sa gasolina. Inilalaan ko na lang talaga,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Kunyari nakapagsakay na ako, medyo maglalaan na talaga ako sa gasolina. ‘Yong kalahati ng kinita ko, ilalaan ko na dito [sa gasolina] para hindi naman ako mahirapan.”

Kagaya umano ni Pascual, nakikita raw niyang ganito rin ang kinakaharap ng mga katulad niyang rider sa iba pang mga ride-hailing apps.

“Ganoon din ang experience nila. Lalo sa ibang [ride]-hailing app. Katulad ni Move It [at] JoyRide,” kuwento niya.

Maki-Balita: #BalitaExclusives: Motor taxi driver, doble-tipid sanhi ng pagtaas ng presyo sa petrolyo!

Sa eksklusibong panayam naman ni Mark Balmores ng Manila Bulletin kay Elvis Esteban, 63-anyos, isang jeepney driver na mahigit tatlong dekada nang bumibiyahe sa rutang Guadalupe–Taft sa Maynila, isang routine para sa kaniya ang araw-araw na paghahanda ng kaniyang pampasaherong jeepney bago simulan ang mahabang araw sa kalsada.

Nitong Huwebes, Marso 12, naispatan siyang maingat na sinusukat ang laman ng krudo sa kaniyang pampasaherong jeepney, sinusuri ang langis ng makina, at binibilang ang mga baryang panukli bago bumiyahe upang magsakay ng mga pasahero.

Para kay Esteban, bahagi na ng kaniyang pang-araw-araw na gawain ang mga routine na ito upang matiyak na maayos ang takbo ng kaniyang pasada sa buong maghapon.

Ngunit ayon sa kaniya, inaasahang bababa ang karaniwan niyang ₱800 na kita kada araw dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel nitong mga nakaraang araw, bunsod ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Upang makayanan ito, ginagawa na niya ang lahat ng paraan upang makatipid sa krudo, sa pag-asang may kaunti pa siyang maiuwi mula sa isang araw na pagsusumikap.