April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga paniniwala tungkol sa ‘kidney care’ na nakasisira sa kalusugan

ALAMIN: Mga paniniwala tungkol sa ‘kidney care’ na nakasisira sa kalusugan
Photo courtesy: Freepik

“Nako, bata pa naman ako. Di pa ko magkakasakit sa bato!” 

Narinig n’yo na ba ang mga katagang ito o nasambit n’yo na rin ba habang humihithit ng yosi o kaya’y iniinit ang pang-apat na instant noodles sa isang linggo? 

Kung oo, ayon sa mga pag-aaral isa ito sa mga paniniwalang mukhang “harmless” para sa marami ngunit nakasisira na sa kalusugan ng mga bato. 

Upang maayos na mapangalagaan ang mga bato, narito ang ilan pa sa mga kilalang paniniwalang-kalusugan na dapat iwasan: 

1. Malalaman agad kung mayroon nang sakit sa bato

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

Ayon sa National Kidney Foundation, karamihan sa mga nagkakaroon ng kidney disease ay hindi agad ito nalalaman dahil ang mga sintomas lamang ay kadalasang nakikita na lamang pagdating sa advanced stages ng sakit. 

Ang pinakamainam na paraan upang malaman ang pagkakaroon ng kidney disease ay sa pamamagitan ng testing at opisyal na diagnosis ng doktor. 

2. “Dialysis” na lang ang pag-asa kapag nagkasakit sa bato

Ayon sa paniniwala ng marami, kapag nagkaroon na ng opisyal na diagnosis ng kidney disease, dialysis na lamang ang tanging paraan upang magamot ito. 

Ngunit batay pa sa National Kidney Foundation, hindi lahat ng mga kidney disease ay nangangailangan ng dialysis dahil sa early stages nito, kadalasan itong naaagapan sa tamang ehersisyo, diet, at mga gamot. 

Dahil na rin mabagal ang progression nito, posible pang mas mapabagal at mapahinto ang usad ng sakit at magkaroon ng normal na pamumuhay. 

3.  Uminom lang ng maraming tubig para sa malusog na mga bato

Batay sa pag-aaral ng National Kidney Partners, habang “crucial” na maituturing ang pag-inom ng tubig sa pagkakaroon ng malusog na mga bato, ang sobrang pag-inom nito ay hindi lunas sa mayroon nang kidney disease.

Bukod pa rito, para sa mga taong nasa advanced stages na ang kanilang kidney disease o nasa dialysis treatment na, ang “over-hydrating” o labis na pag-inom ng tubig ay delikado dahil posible pa itong magdulot ng pagtaas ng blood pressure. 

Kaya ipinapayo sa pag-aaral na ito na kunsultahin muna ang espesyalista para sa naaakmang fluid intake. 

4.  Walang epekto ang pag-inom ng painkillers sa mga bato

Habang nakatutulong ang over-the-counter painkillers o analgesics sa panandaliang pagginhawa mula sa sakit o pamamaga ng ilang parte ng katawan o kaya’y lagnat, ang sobrang pag-inom nito ay nakasisira ng mga bato. 

Kaya sa dagdag na pag-aaral ng National Kidney Foundation, ipinapayo ang prescription ng doktor sa pag-inom ng gamot, dahil kahit na malusog ang mga bato, ang pag-inom ng painkillers na may mataas na dosage ay nakaaapekto rin sa pagdaloy ng dugo rito. 

5.  Maayos pa rin ang epekto ng labis na pag-eehersisyo sa bato

Base sa pag-aaral ng Cleveland Clinic, ang labis na workout ay posibleng magdulot ng kondisyong “Rhabdomyolysis” kung saan ang muscles sa katawan ang nagdi-distintegrate, at kalauna’y nagdudulot ng “muscle death.” 

Sa pangyayaring ito, ang toxic components ng muscle fibers ay pumapasok sa circulation system ng katawan at sa mga bato, na nagdudulot ng pagkasira nito. 

Mahalagang tandaan na habang pinangangalagaan ang mga bato, kinakailangan na ito’y isinasagawa sa paraang aprubado ng doktor upang maiwasan ang mga maling paniniwala na imbis makatulong ay nakapanira pa ng pangangatawan.