May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Totoo bang nakamamatay ang pagpupuyat?

ALAMIN: Totoo bang nakamamatay ang pagpupuyat?
Photo courtesy: Freepik

“Kakapuyat mo, tatagos ka na sa pader.” 

Madalas na laman ng biruan sa mga busy na mag-aaral at manggagawa ang mga katagang ito, ngunit may katotohanan nga ba na nakamamatay ang pagpupuyat? 

Ayon sa pag-aaral ng University of Southern California (USC) Keck School of Medicine, ang pagkamatay ay isa sa risk factors ng labis na pagpupuyat dahil sa mga negatibong epekto nito sa kalusugan. 

Dahil ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang maayos at sapat na tulog ay mahalaga para sa estado ng kabuuang kalusugan at emosyonal na kapakanan ng isang indibidwal. 

Ito ay nakatutulong upang mapanatili ang pagkakaroon ng tamang timbang, pagbabawas ng stress at improvement ng mood, heart health, at metabolism, at maiwasan ang pagiging sakitin. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Dahil bukod sa mataas na posibilidad ng pagkamatay, ang kakulangan sa tulog ay nagdudulot din ng mga iba pang health issues tulad ng dementia, sakit sa puso, type 2 diabetes, obesity, breast, colon, ovarian, at prostate cancer, ayon sa pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine. 

Ang kakulangan din sa tulog ay nagdudulot ng “daytime sleepiness” o pagka-antok at pagkapagod sa maghapon, hirap sa pag-iisip at concentration, at pagiging iritable o kaya’y balisa, ayon naman sa Sleep Foundation Org. 

Sa dagdag na pag-aaral ng CDC, narito ang ilang tips upang magkaroon ng maayos at dekalidad na tulog:

- Ugaliing humiga at gumising sa kaparehang oras araw-araw. 

- Panatilihing tahimik, relaxing, at mababa ang temperatura sa kwarto o lugar ng pagtutulugan. 

- Iwasang mag-social media o mag-computer 30 minutos bago ang nakatakdang oras ng pagtulog. 

- Iwasang kumain ng “heavy meals” o kaya’y uminom ng alak bago matulog. 

- Iwasang uminom ng anumang “caffeinated” na inumin sa hapon o gabi. 

- Regular na mag-ehersisyo at tiyakin na balanse ang diet.