ILOILO CITY – Pahirapan ang mga simpleng pagkilos para sa 14-anyos na si Meschelle Dimzon—dahil patuloy ang pagkalat ng mga bukas at kumikirot na sugat sa buo niyang katawan.
Na-diagnose na may skin ulcer, pansamantalang tumigil sa pag-aaral si Meschelle dahil labis siyang pinahihirapan ng kanyang mga sugat. Dahil dito, kinailangan din siyang dalhin ng kanyang mga magulang sa isang ospital ng gobyerno sa Iloilo City mula sa kanilang tahanan sa isang bulubunduking barangay sa bayan ng San Enrique.
Umaasa ang ama niyang si Raffy Dimzon na gagaling pa ang mga sugat sa katawan ng bata, at makauuwi na silang lahat sa bahay upang muling makapiling ni Meschelle ang tatlo pa niyang kapatid na babae.
Sinabi ni Raffy na hindi na kakayanin ng kakaunti niyang kinikita sa pagbubukid ang pagpapagamot kay Meschelle, bukod pa sa araw-araw nilang gastusin sa Western Visayas Medical Center.
Bagamat mahiyain, umaasa si Raffy na may mga indibiduwal o organisasyon na may mabubuting puso na magkakaloob ng tulong pinansiyal sa kanyang anak upang tuluyan na itong gumaling sa karamdaman.
Upang makatulong, makipag-ugnayan kay Raffy Dimzon sa +639090309272. Maaari ring tumawag sa +639464171672 at sa +639486764289. (Tara Yap)