pba-copy

Laro Ngayon

(Smart-Araneta Coliseum)

7 n.g. -- Meralco vs Ginebra

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

(Best-of-Seven, Kings, 3-2)

Game 1: 114-109 (OT) - Meralco

Game 2: 82-79 - Ginebra

Game 3: 107-103- Meralco

Game 4: 88-86 - Ginebra

Game 5: 92-81 - Ginebra

Ginebra Gin, babaha sa Big Dome sa panalo ng Kings vs Bolts.

Tatapusin na ba ng Barangay Ginebra o makahirit pa ang Meralco?

Tadhana ang magbibigay ng kasagutan sa paglarga ng krusyal Game 6 ng OPPO-PBA Governors Cup best-of-seven titular showdown ngayong gabi sa inaasahang sold-out Smart-Araneta Coliseum.

Nakatakda ang laro ganap na 7:00 ng gabi.

Nakahanda na ang hapag-kainan para sa malaking selebrasyon ng Barangay Ginebra, magtatangkang maisubi ang korona sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang huling kampeonato may dalawang taon na ang nakalilipas.

Tangan ng Kings, sa kasaysayan ang pinakasikat na koponan sa liga, ang 3-2 bentahe matapos mailusot ang kontrobersyal na 92-81 panalo sa Game 5 nitong Linggo.

Mas naging maingay ang isyu ng ‘non-call’ ng referee sa ipinapalagay na ‘travelling violation’ ni Kings forward Sol Mercado sa kritikal na sandali ng laro kaysa sa pananalasa ng bagyong si ‘Karen’.

Usap-usapan sa social media ang naturang insidente at marami ang naniniwala na mag-iiba ang tempo ng laro kung napituhan ng referee ang naturang tagpo.

Ngunit, naniniwala si Bolts playmaker Jimmy Alapag na natawagan man o hindi ang naturang violation, hindi na ito mahalaga sa kasalukuyan para sa Meralco – nagtatangka para sa kauna-unahang titulo mula nang lumahok sa liga may ilang taon na ang nakalilipas.

“The game wasn’t won or lost on that, we just weren’t good as a team,” pahayag ng one-time MVP at PBA 3-point king.

“If it wasn’t a travel – I thought it was – but again the referees didn’t call it, you have to respect their call,” aniya.

Iginiit ni Meralco coach Norman Black na nadismaya siya sa naturang tagpo, ngunit, hindi na umano mababago nang angasan sa social media ang resulta ng laro. Aniya, ang mahalaga ay ang pagpupursige para mahila ang serye sa Game 7 at mabigyan ng tsansa ang paghahangad ng koponan sa kampeonato.

"We have to buckle down for the Game Six. We need all the necessary adjustment, especially in defence. The fact that if they can double team or box one or whatever type of defence they want to put in where they actually are helping on Allen Durham, then our other players have to step up and shoot the ball for us to take the pressure off from Durham," pahayag ni Black.

"It’s not yet over. they (Ginebra) still have win one more game," aniya.

Hindi rin nagkukumpiyansa ang Kings, sa kabila ng hawak na bentahe.

"We're not done with the series yet but we'll try to finish it in Game 6," pahayag ni Kings import Justin Brownlee.

Dalangin naman ni Kings guard La Tenorio na matapos na ang serye na aniya’y magsisilbing doble regalo para sa kanya bilang ama sa ikatlong anak na inaasahang isisiling ng kanyang maybahay anumang oras ngayon. (Marivic Awitan)