Praktis pa lang, pero 24 motorista na ang nahuli at 195 naman ang nawarningan.
Ito ay bahagi ng dry run para sa ‘no window hours’ ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa ilalim ng pamamahala ng Department of Transportation-Inter Agency Council (DOTr-IACT).
Nahuling lumabag ang mga ito sa bahagi ng EDSA Muñoz-SM North; Cubao, Ortigas, Megamall-Boni at Pasay City sa window hours na 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, pero masuwerteng hindi muna sila inisyuhan ng traffic violation ticket dahil ipatutupad ang paniniket sa Oktubre 17.
Ang implementasyon sa “no window hours policy” para sa UVVRP o number coding scheme ay epektibo sa Oktubre 17 hanggang Enero 31, 2017 sa ilang lansangan kabilang ang EDSA; C-5 Road, Roxas Boulevard, Makati, Mandaluyong at Alabang-Zapote Road sa Las Piñas City.
Samantala sa inilabas na abiso kahapon ng MMDA, sarado sa motorista ang intersection ng EDSA-Muñoz sa Quezon City para sa ginawang traffic adjustment upang mapagaan ang daloy ng trapiko. (Bella Gamotea)