BACOLOD CITY – Sampung kongresistang Negrense ang maghahain ng panukala para maging legal ang Negros Island Region (NIR).

Sinabi ni Bacolod City Rep. Greg Gasataya na hinihintay na lang ng nasabing panukalang batas ang lagda ng 10 kinatawan sa Kamara mula sa Negros Occidental at Negros Oriental.

Ito ay kasunod ng inihayag ni Presidential Assistant for the Visayas Michael Diño na posibleng ma-abolish ang NIR, bukod pa sa sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na lalagdaan ni Pangulong Duterte ang isang executive order na nagpapawalang-bisa sa NIR.

Matatandaang Mayo 2015 nang nalikha ang NIR sa bisa ng executive order ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na nagsasama sa dalawang lalawigan sa Negros bilang isang rehiyon.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sinabi ni Gasataya na sa ihahain nilang panukala ay hihilingin nila sa administrasyong Duterte na pag-aralang muli ang plano nito, at isama ang NIR sa panukalang budget para sa 2017.

Bukod kay Gasataya, lalagda rin sa panukala sa NIR sina Negros Occidental Reps. Melecio Yap (1st District), Leo Rafael Cueva (2nd District), Alfredo Benitez (3rd District), Juliet Ferrer (4th District), Alejandro Mirasol (5th District), at Mercedes Alvarez (6th District); gayundin sina Negros Oriental Reps. Jocelyn Limkaychong (1st District), Manuela Sagarbarria (2nd District) at Arnulfo Teves (3rd District). (Carla N. Canet)