CEBU – Nagdeklara ang Cebu Provincial Board (PB) ng dengue outbreak sa buong lalawigan, sumusuporta sa una nang pagpuna ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa pambihira at biglaang pagdami ng kaso ng dengue sa probinsiya.

Ayon kay IPHO chief on public health, Dr. Niño Ismael Pastor, ang pagdedeklara ng outbreak ay batay sa datos na inilabas ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) na nagpapakitang tumaas ng 140 porsiyento ang naitatalang kaso ng dengue sa Cebu bawat taon hanggang sa pumalo na sa 6,808. Sa 125 namatay sa dengue sa Region 7, 67 ang nagmula sa Cebu.

Gayunman, nagpahayag ng pagkadismaya ang RESU ng Department of Health (DoH)-Region 7 sa nasabing deklarasyon, sinabing kung pagbabatayan ang datos ay hindi pa naman umaabot sa nakaaalarmang bilang ang mga kaso ng dengue sa Cebu.

Nais namang malaman ni RESU-7 head Renan Cimafranca kung ano ang basehan sa nasabing deklarasyon matapos siyang magpahayag ng pagkadismaya sa deklarasyon ng outbreak, na nangangahulugan, aniya, na nabigo ang mga lokal na pamahalaan sa kampanya ng mga ito laban sa dengue.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Nilinaw naman ni Board Member Christopher Baricuatro, chairman ng committee on public health and social services, na ang deklarasyon ng outbreak ay hindi nangangahulugang nasa state of calamity na ang probinsiya.

Sinabi ni Baricuatro na batay sa records ng RESU, ang 10 bayan na may pinakamaraming na-dengue ay ang Toledo City Balamban, Carcar City, Liloan, Talisay City, Consolacion, Danao City, San Fernando, Naga City at Cordova.

(MARS W. MOSQUEDA, JR.)