Hindi na halos makilala ang mukha ng isang jeepney barker makaraang paghahampasin ng tubo ng kanyang kaaway habang natutulog sa folding chair sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Oscar Cruz, alyas “Oca”, tinatayang 50 hanggang 55-anyos, walang permanenteng tirahan.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na inilarawang nasa 20 hanggang 25-anyos, may taas na 5’3”, kayumanggi, at balingkinitan.

Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nangyari ang krimen dakong 2:07 ng madaling araw habang natutulog ang biktima sa Antonio Rivera Street, malapit sa Orion Hotel, Tondo, Maynila.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Ayon sa isang saksi, tumangging magpabanggit ng pangalan, kitang-kita niya kung paano pinaghahampas ng suspek ang mukha ng biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Claro M. Recto Avenue at iniwan ang tubo na ginamit sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)