ANG bagong weight loss therapy na kinabibilangan ng pagtuturo kung paano tatanggapin ang nadaramang pagkabalisa, ay mas makakatulong sa pagbabawas ng timbang kumpara sa standard therapies, ayon sa bagong pag-aaral.

Tinatawag ang therapy na Acceptance-Based Behavioral Treatment (ABT), tinuturuan nito ang mga tao ng skills na makatutulong para lalo silang maging masigasig sa kanilang diet at exercise goals. Kasama sa skills ang pagtuturo na matanggap ang hindi komportableng nararamdaman at hindi nakakatuwang sitwasyon na hindi maiiwasang mangyari kapag nagpapapayat, tulad ng kagustuang kumain, ang nararamdamang pagkapagod, at ang pagja-jogging sa halip na pag-upo sa couch habang nanonood ng TV.

Tinuturuan din sa bagong treatment ang mga tao para tukuyin at hangarin ang “big picture life goals” na dahilan ng kanilang pagpapayat, tulad ng mga lolo at lola na nais maging aktibo para magkaroon ng mas mahabang buhay.

Sumasailalim din ang mga mga kalahok sa pagsasanay sa “mindfulness”, na layuning silang imulat sa kanilang mga naiisip o pinipili sa bawat sandali, para mabawasan ang kinaugalian na nilang mindless eating.

National

Honeylet naiyak sa ginawa kay FPRRD: 'Kinidnap n'yo siya, wala kaming laban!'

Nakatutulong ang ABT treatment sa mga kalahok para magpursigi sa pagbabawas ng timbang, at ituon ang konsentrasyon sa hangaring ito, kumpara sa standard obesity treatment na ang pangunahing pinagtutuunan ay diet at ehersisyo.

Ang binibigyang-diin sa mga standard obesity treatment ay ang, “importance of decreased caloric intake and increased physical activity, [and] can help individuals lose weight for a period of time, but the strategies taught in such a program are difficult to maintain long-term,” saad ni Evan Forman, clinical psychologist at professor ng Drexel University sa Philadelphia, sa isang pahayag. Sa kabilang dako, ang ABT “teaches highly specialized self-regulation skills so individuals trying to lose weight can continue making healthful choices long after the program ends,” ani Forman.

Sa pag-aaral, halos 200 obese o overweight ang pinaghiwalay sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay sumailalim sa standard behavioral treatment para sa obesity, na kinabibilangan ng training sa nutrition at exercise, pati na rin ang tradisyunal na estratehiya sa pagbabawas ng timbang, tulad ng pagmono-monitor ng calorie intake at pagtatanggal ng mga pagkain mula sa tahanan at trabaho na maaaring magdulot ng problema. Sumalilalim din ang pangalawang grupo sa naturang training ng standard group, pero may karagdagang ABT treatment training.

Pagkaraan ng isang taon, nakapagbawas ang mga kalahok sa ABT group ng 13.3 porsiyento ng kanilang inisyal na timbang, kumpara sa 9.8% ng standard group.

Napanatili rin ang 10 porsiyento ng weight loss ng 64% ng mga kalahok sa ABT group pagkaraan ng isang taon, kumpara sa 49% ng mga kalahok sa standard group.

Natuklasan sa pag-aaral na ang mga component sa ABT na tila nakapagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa magandang resulta ay ang abilidad ng mga kalahok sa ABT group na mapigilan ang kanilang labis na pananabik sa pagkain, at mai-motivate ang kanilang sarili.

Ibinatay ang ABT sa uri ng talk therapy na tinatawag na Acceptance and Commitment Therapy (ACT). Napag-alaman sa mga nauna nang pag-aaral na ang ACT ay maaaring makatulong sa physical activity level at mapabuti ang kalusugan ng katawan ng mga taong hindi tuwirang nag-eehersisyo. Gayunman, isinasama rin ng ABT ang skills na mula sa ibang talk therapies at behavior program, kabilang ang mga programang naglalayon na makaiwas ang mga tao sa adiksyon sa droga.

Ang pagbabawas ng timbang na nakita sa bagong pag-aaral sa ABT group, “is among the largest ever reported in the behavioral treatment literature, in the absence of using an aggressive diet or weight loss medication,” saad nina Thomas Wadden, ng University of Pennsylvania, at Dr. Robert Berkowitz, ng Children’s Hospital of Philadelphia, sa commentary tungkol sa pag-aaral.

Gayunpaman, bagamat nakakatuwa ang mga resultang ito, kailangan pang ipagpatuloy ang pag-aaral ng iba pang grupo ng mga researcher bago maituring na “reliable means of increasing weight loss” ang ABT, ani Wadden at Berkowitz. Kailangan ding sundan ng pag-aaral ang mga kalahok sa mas mahabang panahon para matukoy kung napanatili ang nabawas na timbang pagkaraan ng isang taon, na hindi kinakailangan ng karagdagang treatment, saad pa nila. (Live Science)