BACOLOD CITY – Itinanggi ni dating Negros Occidental Gov. Rafael Coscolluela na may kaugnayan siya sa grupo na nagpaplano umanong patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
“I have not and never will be part of a destabilization group against President Duterte,” sabi ni Coscolluela.
Napaulat na sinabi ng isang regional leader ng PDP-Laban na pinangunahan ni Coscolluela at ng isa pang dating gobernador na si Daniel Lacson, Jr. ang lokal na anti-Duterte movement.
Ayon sa isang Facebook post, sinabi umano ni Yves Akol, secretary general ng PDP-Laban sa Negros Island Region, na nagkita ang dalawang dating gobernador sa isang restaurant sa Bacolod City sa layuning mahimok ang mga Negrense upang suportahan ang pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Duterte.
Nakasaad din sa nasabing online post na nakikipagtulungan ang grupo kina dating Pangulong Benigno S. Aquino III at Vice President Leni Robredo.
Gayunman, itinanggi ni Akol na siya ang nag-ugnay kina Coscolluela at Lacson sa nasabing destabilization plot.
Matatandaang sa eleksiyon noong Mayo 2016 ay ikinonsiderang balwarte ng Liberal Party (LP) ni dating Pangulong Aquino ang Negros Occidental. (Edith B. Colmo)