Tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi na nila itutulak pa ang pagpapalabas ng sex video sa House Committee on Justice.
Ang imbestigasyon hinggil sa paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) ay ipagpapatuloy ng komite sa Oktubre 6.
“We are not going to present anything about (sex video). Actually mayroon ngang nag-affidavit, bagong affiance ito na nagsasabi, well nag-confirm ng existence ng video, but whether we will play it or not, depende na sa committee, wala akong say. We are just going to present witnesses, we are not in possession of any video,” ayon kay Aguirre sa panayam ng mga mamamahayag.
Sampung testigo ang ihaharap sa komite ni Aguirre, kung saan magsasalita ang mga ito hinggil sa personal na pagtanggap umano ni Senator Leila de Lima ng drug money.
Kabilang sa testigo si Joenel Sanchez, dating aide ni De Lima na miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
“Maraming bagong witnesses, witnesses na magsasabing inabot talaga nila ang drug money kay De Lima,” ayon kay Aguirre.
Samantala isang umano’y sex video ni De Lima ang napanood na ni Aguirre. Sinabi ng kalihim na galing umano ito sa cellular phone ng dating drayber ni De Lima na si Ronnie Dayan.
Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Aguirre at sinabing “ang masasabi ko lang, napanood ko at silang dalawa.”
(Charissa M. Luci)