Hindi man nakamit ang korona, kontento si 2015 Southeast Asian Games women’s triathlon gold medalist Ma.Claire Adorna na runner-up finish sa 10km division ng Unilab Run United Philippine Marathon kahapon sa MOA ground sa Pasay City.
“I feel happy because I am now starting my training for the coming international tournaments and of course, the SEA Games and the Asian Games and hopefully the Tokyo 2020 Olympics,” pahayag ng 23-anyos mula University of the Philippines at dating multi-medalist sa swimming.
Itinala ni Adorna, matatandaang ibinigay sa Pilipinas ang pinakaunang gintong medalya sa triathlon sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore, ang tiyempong 42:00 minuto sa likod ng nagwagi na si Cindy Lorenzo na may itinalang 41:49. Pumagatlo si Aileen Tolentino (45:24).
Nakatakda sanang lumahok si Adorna, kabilang sa Philippine triathlon team sa 2016 Hatsukaichi ASTC Triathlon Asian Championships, subalit nagdesisyon umatras dahil sa patuloy na recovery process sa injury sa kaliwang sakong.
Samantala, nagwagi sa tampok na 42km Men division ang Kenyan na si Joseph Mururi sa isinumite nitong oras na 2:44:54s. Ikalawa si Cresenciano Sabal (2:55:44) at ikatlo si Wilfred Esporma (3:05:30). Nanalo naman sa women’s class si Rosalyn Russel (3:51:56), ikalawa si Silamie Apolistar at ikatlo si Kristine Santillan.
Panalo sa 21km run sa men’s class si Dante Baay (1:20:18), ikalawa si Jerwin Banatao (1:21:09) at ikatlo si Carlito Fantillaga (1:22:37) habang sa women side ay nagkampeon at ikalawa ang magkapatid na sina Emilaine Balatibat (1:51:18) at si Jeyline Balatibat (1:51:23). Ikatlo naman si Carly Reif (1:51:39). - Angie Oredo