Sampung hinihinalang tulak ng droga ang napatay sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa siyudad nitong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng umaga.
Sa buy-bust operation sa Novaliches, kinilala ni QCPD Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga nasawi na sina Jose Francisco Ledesma, 49; Ronaldo Seron, 46; Ronnie Baraon, 27; Leticia Pasion, 30; Jonathan Abe, 36; at Golber Almero, nasa hustong gulang, pawang taga-Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches.
Base sa report ni Supt. April Mark Young, hepe ng QCPD-Station 4, dakong 8:00 ng gabi nitong Miyerkules nang mangyari ang engkuwentro kasunod ng nabuking na buy-bust sa Pasacola Street sa Area C, Bgy. Nagkaisang Nayon.
Dalawa pang lalaki ang napatay ng mga operatiba ng QCPD-Station 6 dakong 12:30 ng hatinggabi kahapon sa Navarro Compound sa Odonel Street, Bgy. Holy Spirit.
Labimpitong pulis ang sumalakay sa drug bust laban sa isang “Moymoy”, na sinasabing talamak ang pagbebenta ng shabu sa lugar.
Nanlaban umano si Moymoy at ang hindi pa kilalang kasama nito, na nagbunsod sa pagkamatay ng dalawa, at nakumpiskahan din ng anim na sachet ng hinihinalang shabu, baril at drug paraphernalia.
Dakong 4:00 ng umaga naman kahapon nang mapatay ng mga pulis matapos manlaban ang umano’y mga holdaper at kapwa nasa drug watchlist na sina Marlon Sarenio, 22; at John Paul Ocdina, 19, na katatapos lang umanong mambiktima ng isang babae.
Nasamsam sa dalawa ang dalawang baril, 17 sachet ng hinihinalang shabu, isang glass tube na may pinatuyong dahon ng marijuana, tatlong cell phone, tatlong wallet at P200 cash. (JUN FABON at VANNE ELAINE TERRAZOLA)