Galit at mangiyak-ngiyak na humarap sa mga mamamahayag kahapon si Senator Leila de Lima, kung saan nanawagan siya kay Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin na siya at ipakulong.
“Hulihin n’yo na ako ngayon. ‘Yun naman talaga ang gusto n’yo. Ikulong n’yo na ako ngayon. I’m here. Do what you want to me Mr. President, I’ll wait for you,” ani De Lima.
Sinabi ni De Lima na iminungkahi umano sa kanya ng kanyang mga kaibigan na mangibang bansa na lang siya at kumuha ng political asylum.
“I can’t leave this country, I want to fight it here in my country, hindi ako duwag,” ayon sa Senadora.
Idinagdag pa nito na maging mga dati niyang staff ay hina-harass na din upang tumestigo laban sa kanya. Helpless na umano si De Lima at hindi man lang mabigyan ng abogado ang kanyang mga dating tauhan.
“This is the worst challenge! In its sobrang sheer brazenness, it’s almost surreal, unimaginable, unprecedented na ginagawa ng sitting Pangulo, ang ginagawa niya ngayon against a sitting Senator because of personal vendetta and whatever motives he has,” ani De Lima.
LALAKING DUWAG
“Tapos ginagamit as pawns, as tools, as instruments mga the likes of (Justice Sec. Vitaliano) Aguirre and all other operators. And they call themselves men! Ganyan ba mga lalaki? They’re cowards, they’re false, and they are liars.
That is the bunch of officials we have now,” banat pa ni De Lima.
PRESO TINATAKOT
Samantala naniniwala si De Lima na layunin ng riot sa New Bilibid Prison (NBP) na takutin ang mga bilanggo na ayaw tumestigo laban sa kanya.
Sinabi ni De Lima na ang riot ay paraan upang pilitin ang Bilibid 19 na tumestigo din laban sa kanya.
Batay sa ulat, namatay ang high-profile inmate na si Tony Co at nasugatan naman sa riot sina Jaybee Sebastian, Peter Co, at Vicente Sy.
“I am not discounting the possibility that this so-called riot is Malacanang’s way of sending messages to prisoners who refuse to implicate me in the Bilibid drug trade as part of Aguirre’s and Malacañang’s teleserye drama projecting me as the Bilibid Drug Queen,” ani De Lima. (LEONEL ABASOLA)