Kalaboso ang isang ginang matapos niyang tangkaing suhulan ng P100,000 cash at isang magandang klase ng .45 caliber pistol ang mga pulis kapalit ng pagpapalaya sa kanyang mister na dinakip ng mga ito sa buy-bust operation sa Caloocan City.

Nahaharap si Christina Quintan, 35, sa paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code (Corruption of Public Officials) at illegal possession of firearms.

Nauna rito, naaresto ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ang asawa ni Christina na si Angelito Quintan, 35, at kaibigang si Eddie Paunan, 56, sa buy-bust operation sa Gen. Dan Miguel Street sa Sangandaan, Barangay 8, dakong 4:40 ng hapon nitong Lunes.

Ayon kay Insp. Cecilio Tomas, Jr., nakatanggap sila ng report na sina Angelito at Paunan ang supplier umano ng shabu sa Caloocan City at Bulacan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nakumpiskahan ng 84 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000 at isang baril, binitbit ng mga pulis sina Angelito at Paunan sa himpilan ng Caloocan City Police sa Samson Road at sumunod doon si Christina.

Batay sa ulat, kinausap umano ng ginang si PO2 Garganera at inalok ng P100,000 cash na may kasama pang isang .45 caliber Kimber Yonkers NY USA para pakawalan ang dalawa, kaya naman ipinakulong ni Insp. Tomas ang suspek.

(Orly L. Barcala)