Nakumpirma kahapon na 19 na linggong buntis ang 22-anyos na dinapuan ng Zika virus sa Cebu City.

Ayon kay Department of Health (DoH) Secretary Paulyn Ubial, panganay ng babae at nag-iisang pasyente ng Zika sa Cebu City ang kanyang ipinagbubuntis.

Isinailalim na sa ultrasound ang ginang at wala naman umanong nakitang fetal abnormalities sa ipinagbubuntis nito.

Gayunman, inirekomenda ng DoH na isailalim sa regular na monitoring ng sanggol ng pasyente upang matiyak na hindi ito maaapektuhan ng Zika virus.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Matatandaang bagamat hindi nakamamatay ang Zika, kinatatakutan ito dahil nagdudulot ito ng microcephaly o pagliit ng ulo at utak ng sanggol na ipinagbuntis ng isang may taglay ng sakit.

Kasabay nito, iniulat din kahapon na nakapagtala ang DoH ng tatlong bagong kaso ng Zika virus sa Iloilo City, kaya sa kabuuan ay 12 na ang dinapuan ng sakit sa bansa.

Sinabi ni Ubial na nakuha ng tatlong pasyente ang virus sa pamamagitan ng kagat ng lamok, dahil wala namang history ng pagbibiyahe ang mga ito sa nakalipas na mga buwan sa mga lugar na apektado ng Zika.

Nabatid na nakitaan ang mga pasyente ng mga sintomas ng Zika, gaya ng skin rashes, lagnat at pananakit ng kasu-kasuan.

Tiniyak naman ng DoH na pawang mild lang ang virus na tumama sa tatlo, na ngayon ay pawang nagpapagaling na.

Ayon sa DoH, walo sa 12 kaso ng Zika sa bansa ay babae. (MARY ANN SANTIAGO)