DAVAO CITY – Sinabi ni National Democratic Front (NDF) panel chairman Luis Jalandoni na hindi dapat na buwagin ang New People’s Army (NPA) dahil makatutulong ito upang maprotektahan ang mga magsasaka, mga komunidad, at maging ang kagubatan kasunod ng paglagda sa bilateral document na magbibigay-tuldok sa mga labanan.

Sinabi ni Jalandoni sa isang press forum dito na imumungkahi ng NDF na huwag nang isuko ng NPA ang mga armas nito, dahil makatutulong ang armadong grupo sa pagtiyak na ligtas at napoprotektahan ang mga komunidad.

“The AFP (Armed Forces of the Philippines) and NPA, wala nang away—ano ngayon ang gagawin? Sabi namin, ang NPA hindi magsu-surrender ng arms, gagamitin pa din nila to defend ‘yung mga communities at lahat itong organizations, at tutulong sila sa land reform and industrialization, Puwede rin silang maging forest guards para i-prevent ang deforestation,” ani Jalandoni.

Nagpapalitan ngayon ng kani-kanilang draft ang gobyerno at NDF tungkol sa unified ceasefire agreement ilang araw bago ang ikalawang bahagi ng negosasyong pangkapayapaan sa Oslo, Norway sa Oktubre 6-10.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Jalandoni na nagkasundo ang magkabilang panig na muling buhayin ang Joint Monitoring Committee (JMC) para sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

“Puwede mag-file ng complaints d’yan (JMC). Puwedeng complaints ng mga lumad, mate-take up d’yan. Meron ding meeting ng ceasefire committees na mag-prepare para ang problema ng unilateral ceasefire ay mapag-usapan at tsaka, mag-take ng steps para maging bilateral ceasefire documents na more stable,” ani Jalandoni.

Aniya, mayroon nang JMC kahit noong panahon pa ng nakalipas na administrasyong Aquino, nang naantala ang usapang kapayapaan sa NDF dahil sa hindi pagpapalaya sa mga political prisoner na gagawing consultant, ngunit ang nasabing komite ay “not very functional.”

PARDON PARA SA 3 PANG CONSULTANTS

Umaasa rin si Jalandoni na makadadalo sa ikalawang bahagi ng peace talks sa Oslo ang tatlo pang NDF consultant na nananatiling nakapiit—sina Eduardo Sarmiento, Leopoldo Caloza at Emeterio Antalan.

Aniya, nangako si Pangulong Duterte na ito “[will] walk the extra mile” upang mabigyan ng pardon ang tatlong consultant para makibahagi rin ang mga ito sa negosasyon.

Matatandaang sa peace talks noong nakaraang buwan ay pinagtibay ng magkabilang panel ang mga una nang nalagdaang kasunduan sa pagpapabilis sa proseso ng negosasyon at reconstitution ng listahan ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (JASIG).

Sa ikalawang bahagi ng negosasyon sa susunod na linggo, tatalakayin naman ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) at ang Reciprocal Working Groups (RWGs) sa Political and Constitutional Reforms (PCR) at End of Hostilities-Disposition of Forces (EOH-DOF). (ANTONIO L. COLINA IV)