Tinanggihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panawagan ng founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) na si Nur Misuari na itigil ang military operations laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) habang isinasagawa ang negosasyon para sa pagpapalaya sa 15 natitirang bihag ng mga bandido.

Ayon kay Air Force Brig. Gen. Restituto Padilla, AFP spokesman, mahalagang ipagpatuloy ng tropa ng mga militar sa Sulu at Basilan ang kanilang operasyon habang patuloy ang negosasyon para sa pagpapalaya sa iba pang mga bihag, upang mapigilan ang pagtakas ng bandidong grupo.

Sinabi niya na ang suspensiyon ng military operations sa nakalipas na mga taon ay nauwi sa pagtakas ng Abu Sayyaf.

Gayunman, sinabi ni Padilla na nakahanda silang pansamantalang tumigil sa kanilang operasyon kung may iba pang bihag o mga bihag na isusuko sa awtoridad.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Samantala, sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pagtigil ng military operations laban sa ASG ay hindi posible sa kasalukuyan.

Sa ambush interview sa ika-44 na anibersaryo ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Lorenzana na ito na ang naging kahilingan ni Misuari noong nakaraang linggo nang pakawalan ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.

“Sinabi ko na hindi ko magagawa ‘yan, baka magkaroon ng breathing space ang ASG at lalo sila lumaki. Kung meron siyang (Misuari) negosasyon sa isang lugar o sitio o specific area doon ko lang io-order pero hindi buong Jolo,” ani Lorenzana. (Francis T. Wakefield)