Ni NIÑO N. LUCES
SORSOGON CITY – Isang umano’y kanang kamay at gagawing state witness laban sa hinihinalang drug lord na si Peter “Jaguar” Lim ang inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulatory Act at obstruction of justice sa isang resort sa Subic Saday sa Barangay Calintaan, Matnog, Sorsogon nitong Sabado ng gabi, kasama ang anim na armado na nagpakilalang mga tauhan ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ).
Kinilala ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5 ang umano’y tauhan ni Jaguar na si Reynaldo Diaz y Cayao, alyas “James Tan”.
Ayon kay Calubaquib, unang nakatanggap ng impormasyon ang Sorsogon Police na may mga armadong lalaki ang namataan sa Subic Saday Beach Resort.
Rumesponde sa resort ang mga operatiba ng Matnog Police, Regional Mobile Unit (RMU)-5, Provincial Public Safety Command (PPSC), at Philippine Army upang maghain ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Judge Edgar Maulag ng RTC Branch 33, Butuan City; at isa pang inisyu ni Hon. Judge Anarica Castillo Royos, ng RTC Branch 83, Nueva Ecija para sa frustrated murder na may piyansang P200,000.
Sinabi ni Calubaquib na tinangka pang tumakas ng isa sa pitong armadong lalaki na nagtatakbo sa talahiban, habang sinabi naman ng anim na naiwan na mga escort sila ng isang Very Important Person (VIP), bilang bahagi ng Witness Protection Program Intelligence Service Operations Group (WPP ISOG) ng DoJ.
Naaresto rin ang ikapito na nagtangkang tumakas, ngunit bigo itong magpakita ng valid ID hanggang sa umamin na siya si Reynaldo Diaz, alyas James Tan, na puntirya ng mga arrest warrant.
Kinilala ang anim na nagpakilalang tauhan ng DoJ na sina Raul Relojas, Sandy Odicta, Rodolfo Abapo Jr., Elmer Labay, Charlice Ganosa at Niño Carlo Paraiso, pawang nagpakita ng ID ng WPP ISOG ng DoJ.
Narekober mula sa kanila ang apat na M-16 rifle, dalawang .45 caliber Colt, dalawang .45 caliber Taurus at NFM, dalawang .45 caliber, 14 na magazine ng M-16 rifle, 14 na magazine ng .45 caliber, 351 bala ng M-16, at 117 bala ng .45 caliber.
Ayon kay Calubaquib, mismong si PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang nagprisinta sa media kay Diaz, at sinabi ng Chief PNP na paiimbestigahan nito kung bakit nasa labas at anong ginagawa ni Diaz sa Sorsogon.
Dumalo sa 115th Police Service Anniversary sa Albay nitong Biyernes, kasama ni Dela Rosa na bumalik sa Metro Manila kahapon ang pito para dalhin sa DoJ, ayon kay Calubaquib.