Agad ikinamatay ng bagitong pulis ang pagkakasagasa sa kanya ng isang pampasaherong bus sa flyover sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si PO1 Michael Jordan Tumbaga y Baccani, 31, may asawa, nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), at residente ng Tibulan Barangay Abaquid, Danglas Abra.

Habang nasa kustodiya na ng Makati City Police ang suspek na si Henry Rodriguez y Valeza, 36, driver ng CHER bus liner na may plakang ABG-4606.

Sa ulat ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa EDSA-Magallanes flyover ng nasabing lungsod.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Sr. Supt. Rommil Mitra, hepe ng Makati City Police, sakay si PO1 Tumbaga sa kanyang Honda motorcycle na may plakang AP 8577 at binabagtas ang Magallanes flyover southbound lane galing sa San Antonio Arnaiz Avenue patungong South Luzon Expressway (SLEx).

Pagsapit sa pinangyarihan ay bigla umanong nagpagewang-gewang ang motorsiklo hanggang sa tumumba ito at ang biktima sa gilid ng bangketa at minalas na nasagasaan ng bus.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Rescue Team at tinangka pang iligtas ang biktima ngunit huli na ang lahat.

Kusa namang sumuko sa awtoridad ang driver ng bus matapos ang insidente at nakatakda siyang kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide sa Makati Prosecutor’s Office. - Bella Gamotea