OPISYAL nang binuksan ng Department of Health (DoH) ang “Hopeline Project” na layuning paigtingin ang kampanya laban sa pagpapatiwakal sa bansa, iniulat ng Philippines News Agency (PNA).

Ang “Hopeline” ay isang phone-based counseling service na bukas 24/7 sa mga indibiduwal na dumaranas ng depresyon o problema.

Ayon kay DoH Secretary Dr. Paulyn Jean B. Rosell-Ubial, naging matagumpay ang paglulunsad ng nasabing proyekto sa pakikipagtulungan ng Natasha Goulbourn Foundation (NGF) at Globe Communications.

Sa DoH Media Relations Unit sa Tayuman, Sta. Cruz, Manila inilunsad ang proyekto bilang parte ng pagdiriwang ng 2016 World Suicide Prevention.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinagdiriwang tuwing Setyembre 10 ang Suicide Prevention Day sa buong mundo.

Ayon kay Ubial, parte ang proyekto ng inisyatiba ng DoH na magsilbing tulay sa mental health services sa bansa na may tagline na “Health for All” na layuning magkaloob ng mas maayos na kalusugan sa bawat Pilipino.

Idinagdag niya na sa pakikipagtulungan sa NGF at Globe, ang Hopeline project na sinimulan sa Cebu City ay makaaabot na hanggang sa ibang bansa ats pakikinabangan ng mga taong dumaranas ng matinding problema.

Ani Ubial, ang DoH-National Capital Region (NCR) Regional Office at ang National Center for Mental Health (NCMH) ay nasa likod ng pagtutulong-tulong sa pagpapaunlad ng mental health program ayon na rin sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sa ilalim ng ugnayan, ang NCMH ng DoH ay magkakaloob ng training para sa psychiatrists at psychologists na nakatakdang sumagot ng mga tawag.

Bukod sa personnel training, magkakaloob din ang DoH ng mga kagmitan.

“I am pleased to present the country’s national suicide hotline to our fellow Filipinos. Finally, there’s a hotline for us to call when we are having psychological and emotional issues. We are very optimistic that we can fully implement Hopeline and address mental health issues in a very innovative way,” sambit ni Ubial.

Aniya, tatlong “C” ang pagtutuunan ng proyekto at ito ay ang—Connect, Communicate at Care— na tema rin para sa 2016 World Suicide Prevention Day.

“These are the three words at the heart of suicide prevention,” ayon sa Health Chief.

Narito ang mga numerong maaaring tawagan ng mga taong dumaranas ng depresyon at matinding problema: (02) 805-HOPE (4673); 0917 558 HOPE (4673) and 2919.

“Spread the word, spread the number…Let us help families and friends who suffer from depression to reach out to our health professionals through the hotline,” pakiusap ni Secretary Ubial.