Puno ng kulay ang unang pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pandaigdigang komunidad. Animo’y rock star na inabangan ng mundo ang kanyang bawat galaw at bibitawang salita sa ASEAN Summit sa Vientiane, Laos.
Nagkamali man sa ilang hakbang sa kanyang international debut, tiniyak ng Palasyo na hindi ililigaw ng Pangulo ang bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag na patuloy na magtatrabaho ang Pangulo upang maibigay ang pinakamabuti sa bansa.
“Sa ating mga kababayan, huwag po kayong mangamba, at tulungan po natin. Let’s trust our President for all that he wants for our country because he only wants the best,” sabi ni Banaag sa isang panayam sa radyo.
Tiwala si Banaag na maa-appreciate rin ng mga kritiko ang mga pagsisikap ng Pangulo na maisulong ang kaligtasan at kapakanan ng mamayang Pilipino.
“He is so loved in Davao. And I’m sure in time -- sa mga nagdu-duda pa rin -- I’m sure you would realize na somehow he know he is trying to direct as to where he wants us to go,” aniya.
Summit sa ‘Pinas
Sa huling araw ng summit nitong Huwebes, tinanggap ni Duterte ang chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN para sa susunod na taon.
Inihayag niya na ang tema para sa susunod na ASEAN Summit ay “Partnering for Change, Engaging the World.”
Gaganapin ang summit sa susunod na taon sa mga pangunahing lungsod sa Pilipinas.
“Our theme, captures our resolve to consolidate our community for our peoples with a sense of togetherness and common identity, ready and able to take our rightful place in the global community of nations,” sabi ni Duterte.
Binanggit ni Duterte na ang ASEAN chairmanship ng Pilipinas ay kasabay sa pagdiriwang ng 50th anniversary ng pagkakatatag ng samahan. “It will be an occasion for us to set the tone for the next 50 years. Join us in making the commemoration of ASEAN’s 50th anniversary a success,” imbita niya. (GENALYN D. KABILING at YAS D. OCAMPO)